PATAY ang isang 41-anyos runner ng shabu, matapos pagbabarilin ng isang bebot na angkas ng motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Dead on arrival sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang kinilalang si Danilo Gabrido, alyas Pango, ng Brgy. Longos ng lungsod, sanhi ng apat na tama ng bala ng kalibre .45 sa dibdib at mukha.
Isang manhunt operation ang isinasagawa ng mga awtoridad laban sa mga suspek, sakay ng itim na Honda Mio, tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ng pulisya, dakong 10:00 ng gabi kamakalawa, nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima sa Gen. Borromeo St., sa nasabing barangay.
Sa salaysay ng kinakasama ng biktimang si Josephine Nasareta, 50-anyos, naglalaba siya sa tapat ng bahay at nasa likuran niya ang biktima, nang dumaan ang motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki at angkas ang isang babae na kapwa nakasuot ng helmet at itim na jacket.
Pagtapat ng rider-in-tandem sa biktima, apat na putok ng baril ang pinakawalan ng angkas na bebot dahilan upang tumimbuwang si Gabrido.
Aminado ang kinakasama ng biktima na ilegal ang trabaho ni Gabrido kaya hinala ng pulisya na may kinalaman dito ang motibo ng pamamaslang.
(rommel sales)