Monday , December 23 2024

David Tan ‘patay’ kay Mayor Duterte

NABUHAYAN ng loob ang mga magsasaka na matagal nang naghihikahos dahil sa pamamayagpag ng rice smuggling sa bansa nang ipangako ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na papatayin niya ang sinumang magpupuslit ng bigas sa kanilang siyudad.

Wala nang iba pang pinatutungkulan ang babala ng isa sa hinahangaan nating alkalde kundi si David Tan na tinukoy ng Senate committee report na nasa likod ng rice cartel sa bansa.

Kaya kung hindi kayang kilalanin si Tan ng mga tauhan ni Justice Secretary Leila de Lima kaya hindi maimbestigahan ang kanyang rice smuggling activities, huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil si Duterte ang ‘tatapos’ sa kawalanghiyaan niya.

Siguradong pati sa DOJ ay nakararating ang limpak-limpak na padulas ng rice smuggling kung kaya’t ‘wag na tayong umasa na makakasuhan ni De Lima si Tan tulad rin ng mahigit sa 200 kaso ng smugglers na ilang taon nang nakatengga at ni isa ay walang naisampa sa husgado.

Mismong ang Federation of Philippine Industries (FPI), na may kasapiang 800 negosyo sa bansa ay tutulong na upang mahubaran ng maskara si Tan na ang tunay na pangalan anila ay Davidson Tan Bangayan, isang Filipino-Chinese na taga-Davao City.

Kinumpirma rin ni Abono party list chairman Rosendo So na si David Tan ay si DAVIDSON BANGAYAN na may tanggapan sa isang gusali sa Pasig City at ibinigay na niya kay Senator Cynthia Villar ang address nito upang mapadalhan ng imbitasyon para humarap sa Senate committee on agriculture hearing sa Enero 22.

Kumbaga, dalawang senaryo lang ang aabangan ng publiko sa mga susunod na araw, ang paglutang ng buhay ni Tan sa Senado bilang resource person o ang paglutang niyang wala nang buhay sa Davao City dahil hindi siya nagpaawat sa kanyang rice smuggling activities.

DUTERTE, DAPAT GAWING

ANTI-RICE SMUGGLING CZAR

TUTULONG na si Duterte na masawata ang rice smuggling operations sa Davao City port bunsod ng kahilingan sa kanya ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares.

Dahil dito, nagdeklara na ng giyera si Duterte laban sa rice smugglers.

Kabilang sa mga paraan na gagawin niya ay busisiin ang mga warehouse ng mga negosyanteng pinaghihinalaang rice smugglers, titingnan ang konsumo nila sa koryente, libro sa BIR at business license.

Nagtataka lang tayo kung bakit si Duterte ay alam kung saan sisimulan ang pag-iimbestiga sa rice smugglers pero ang NBI na nagsanay pa sa iba’t ibang bansa ang mga ahente, ay walang natuklasan ni katiting na impormasyon kay David Tan kahit santambak na dokumento na ang ibinigay sa kanila ng Senado hinggil sa illegal na aktibidad nito.

Ngayon pa lang ay nakatitiyak tayo na matutuldukan ang walang habas na pagtaas ng presyo ng bigas at paghihirap ng mga magsasaka kung magiging anti-rice smuggling czar si Duterte.

LACSON, BALIK SA DATING GAWI

KAUUMPISA pa lang ng trabaho ni dating Sen. Panfilo Lacson bilang rehabilitation czar, gusto na yata niyang maging ‘kaaway’ si Public Works Secretary Rogelio Singson.

Kahit wala pang malinaw na batayan ay inihayag na agad ni Lacson na ‘overpriced’ ang itinayong bunkhouses  at may tumanggap daw ng 35% kickback sa konstruksiyon ng mga nasabing temporary shelter.

Siyempre pa, hindi naman makapapayag si Singson na basta na lamang madudungisan ang kanyang pangalan , lalo na’t mismong si Pangulong Aquino ay itinuturing siya bilang pinakamatinong  miyembro ng gabinete.

Saan nga naman kukunin ng contractors ang ibibigay na 35% kickback kung wala pa naman ni isang kusing na ibinabayad sa kanila ang gobyerno at kapag hindi naman nila nasunod ang specifications na itinakda ng gobyerno para sa proyekto ay hindi naman sila tatanggap ng bayad kaya’t mas malamang na ido-donate na lang nila ang bunkhouses.

Kaya ang hamon ni Singson, magbibitiw siya kapag napatunayan na overpriced ang bunkhouses.

Kung tutuusin ay si Lacson pa nga ang may dapat ipaliwanag sa publiko dahil kung hindi pa ibinuko ng media na 1,400 pa ang mga nakatiwangwang na bangkay sa Tacloban hanggang noong nakalipas na linggo ay hindi pa maililibing ang mga labi.

Nang nabulgar na ang mga namamahong bangkay ay saka pa lamang siya nagbigay ng mga pahayag hinggil sa minadali nang pagpoproseso sa mga labi hanggang mailibing na lahat.

Hindi ba’t bahagi ng kanyang trabaho bilang rehab czar ay linisin muna ang mga lugar na sinalanta ni Yolanda bago masimulan ang anumang proyekto o programang magbabangon sa Eastern Visayas?

Bakit wala siyang kibo kung sino ang dapat managot sa kapabayaang ito, pero napakabilis na mag-akusa sa isyu ng bunkhouses?

Wala pa rin kupas si Lacson, tulad pa rin sa lumang style kung paano hahawakan sa ilong ang pangulo.

Mas makabubuti na atupagin muna ang trabaho kaysa mga intriga na ang tinutumbok ay politika.

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *