VERY proud sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa kanilang entry sa 39th Metro Manila Film Festival na handog ng Star Cinema at Regal Films, ang Pagpag, Siyam na Buhay.
Pinaghirapan kasi nila ito at tiniyak na maganda ang kalalabasan para magustuhan ng kanilang mga tagasubaybay. Para nga raw itong Final Destination at iniakma raw talaga ni Direk Frasco Mortizsa panlasa ng mahihilig sa suspense-thriller.
Kaya naman hindi mabibigo ang mga manonood na mahilig sa suspense-thriller dahil ito ang tamang-tama sa inyo.
Kung nasanay na tayo taon-taon na ang handog na pelikula ng Regal Films ay ang Shake, Rattle & Roll, ngayo’y bagong putahe naman pero nakatatakot pa rin at tiyak na mapapasigaw ang sinumang manonood.
Ang Pagpag ay maihahalintulad din daw sa SRR pagdating sa laki ng mga artistang kasama. Bukod kasi kina Kathryn at Daniel, mapapanood din dito sina Paulo Avelino, Shaina magdayao, Matet de Leon, Miles Ocampo, Dominic Roque, CJ Navato, Michelle Vito, Janus del Prado, atMarvin Yap.
Hango ang Pagpag sa paniniwala o pamahiing hindi dapat dumiretso sa bahay ang sinumang galing sa pakikiramay o bumisita sa isang burol dahil maaaring sumunod ang malas at masasamang espiritu.
Ang subtitle ng pelikula, ang Siyam Na Buhay naman ay kumakatawan sa siyam na pamahiin na konektado sa kamatayan at mga burol na siyang pinaniniwalaan at sinusunod ng maraming Filipino hangang sa mga araw na ito. May kasabihang maaaring humantong sa labis na kamalasan ang mangyayari sa sino mang lalabag sa alinman sa mga siyam na paniniwalang ito.
Ang mga paniniwalang ito ay, bawal ang hindi magpagpag pagkatapos ng lamay; bawal magwalis sa burol; bawal magpatak ng luha sa ataul; bawal manalamin sa burol; bawal mag-uwi ng pagkain mula sa burol; bawal pumunta sa burol kapag may sugat; bawal punasan ang luha sa ataul; bawal nakawin ang abuloy sa burol ; at bawal maghatid sa mga nakilamay.
Sa Pagpag, kahindik-hindik na mga pangyayari ang magaganap sa ‘di inaasahang pagbisita nina Cedric (Daniel) at ng kanyang mga kaibigan sa isang burol na inayos ni Leni (Kathryn). Ang bawat miyembro ng grupo ay lalabag sa mga paniniwala at kasabihan. ‘Di namamalayan nina Cedric at Leni na nag-uwi pala sila ng masama at mapaghiganting espiritu.
“Sobrang nakatatakot po ang ‘Pagpag’ pero sa likod ng nakakikilabot na istorya nito ay ang mensahe na ng pagmamahal at pagsasakripisyo para sa pamilya ang pinakamalakas na puwersa sa lahat,” ani Daniel.
Sinabi naman ni Kathryn na bukod sa pagiging isang suspense-thriller, adventure movie rin ang Pagpag na tiyak na magugustuhan ng lahat. ”Ipinakikita po ng pelikula naming ang age-old conflict ng mabuti laban sa masama at napaka-exciting pong makita ng paglalakbay ng aming mga karakter. Makikita po natin kung magwawagi kami o hindi.”
Bale ang Pagpag ang kauna-unahang horror movie nina Kathryn at Daniel na aminadong physically exhausting at demanding ang pelikula dahil ito ang hiningi ng kanilang role, ang maging laging emotionally high.
“Doing the movie was exciting but it was so tiring that I ended up with a hoarse voice,” sambit ni Kathryn.
“During the shoot, para bang nakaramdam ako ng kakaibang espiritu around me. Katotohanan kaya ‘yon o guni-guni?” tanong naman ni Daniel.
Maricris Valdez Nicasio