SIPAT
ni Mat Vicencio
SA KABILA ng pagdedeklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na isang prayoridad ang anti-political dynasty bill, inaasahan na sa ‘basurahan dadamputin’ ang panukala sa pagdinig nito sa Kamara at Senado.
Simula pa noong 1987, umaabot na sa 72 anti-political dynasty bill ang inihain sa Kongreso hindi pa kabilang ang humigit-kumulang sa 20 panukalang batas sa Kamara at lima sa Senado ngayong 20th Congress.
Sa halos apat na dekadang pagtatangka ng ilang mambabatas na maipasa ang nasabing panukalang batas, wala ni isa man ang nakalusot sa Kamara at Senado para maisabatas ang anti-political dynasty bill.
Ipinag-uutos ng 1987 Constitution ang pagpapasa ng isang batas laban sa political dynasty na itinuturing na ugat ng katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan. Pero sinasabi nga, hangga’t walang naipapasang batas, magiging hangarin lamang at hindi ganap na maipatutupad ang naisin ng Konstitusyon.
Malinaw sa Saligang Batas, ipinagbabawal ang pag-iral ng dinastiyang politikal sa bansa.
Pero sa Kamara pa lamang, umaabot na sa 226 mambabatas sa kabuuang bilang na 318, ang merong mga kamag-anak o kapamilya ang pawang nakapuwesto sa iba’t ibang posisyong politikal sa mga pambansa o lokal na pamahalaan.
Sa Senado naman, pansinin at naririyan ang Tulfo brothers, Senators Jinggoy at JV Ejercito, Pia at Alan Cayetano at magkapatid na Mark at Camille Villar. Walo silang miyembro ng Senado. Ano ba yan?!
At kamakailan lamang, sinimulan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagtalakay sa anti-political dynasty bill at inaasahan sa mga susunod na araw ay hihimayin na rin ng Senado ang nasabing proposed bill.
Ang nakalulungkot, bakit hindi i-certify bilang ‘urgent’ bill ni Bongbong ang anti-political dynasty bill? Marami tuloy ang nagdududa na palabas lang at hindi seryoso si Bongbong na isabatas ang nasabing panukala.
Hindi ba ang pamilya ni Bongbong ay kabilang din sa dinastiyang politikal? Kaya nga, asahang sa basurahan lang din dadamputin ang anti-political dynasty bill na nakasalang sa Kamara at Senado.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com