Nagdaos ng kilos-protesta ang Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY), kasama ang mga lider at kasapi ng iba’t ibang makabayang organisasyon at non-government organizations, sa harap ng Chinese Embassy upang kondenahin ang patuloy na pananakot at agresibong kilos ng China sa West Philippine Sea.
Kinondena ng grupo ang paggamit ng water cannon, pangha-harass, at iba pang coercive actions laban sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino. Ayon sa FDNY, malinaw na paglabag ang mga ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award, lalo na sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Kabilang sa mga organisasyong nakibahagi at nagpahayag ng suporta sa kilos-protesta ang mga grupong pinamumunuan ni Jose Antonio Goitia, isang kilalang civic leader at tagapagtaguyod ng soberanya. Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY).
“Ang pambubully ng China sa West Philippine Sea ay hindi lamang paglabag sa internasyonal na batas, kundi tahasang pananakot sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Giselle L. Albano, convenor at tagapagsalita ng FDNY. “Kapag pinabayaan ito, magiging normal na lamang ang paninindak, mula sa ating mga sundalo at mangingisda hanggang sa karaniwang mamamayan.”
Binigyang-diin ni Albano na tungkulin ng pamahalaan na ipagtanggol ang katotohanan, soberanya, at pambansang interes laban sa agresibong asal ng China.
“Sinusuportahan namin ang mga opisyal ng pamahalaan na matapang na nagsasalita at naninindigan para sa West Philippine Sea. Ang pagtatanggol sa soberanya ay hindi pagpipilian, ito ay obligasyon,” dagdag niya.
Kinondena rin ng FDNY ang ilang politiko, kolumnista, at indibidwal na umano’y patuloy na ipinagtatanggol ang China sa kabila ng mga dokumentadong insidente ng pananakot at panggigipit sa mga Pilipino sa sariling karagatan ng bansa.
Nanawagan ang grupo sa publiko na maging mapanuri laban sa maling impormasyon at manatiling nagkakaisa sa pagtatanggol sa soberanya at karapatan ng Pilipinas.
Ipinahayag din ng FDNY ang suporta nito sa kasalukuyang tindig ng pamahalaan sa usapin ng West Philippine Sea at hinimok ang mga opisyal na manatiling matatag at prinsipyado sa paggiit ng karapatan ng bansa.
Tinapos ang kilos-protesta sa mga panawagang tumututol sa tinaguriang “nine-dash line” claim ng China at panawagang umatras ang Beijing mula sa mga lugar na saklaw ng EEZ ng Pilipinas.
“Hindi tayo mananahimik. Atin ang West Philippine Sea. China ang bully, hindi ang Pilipinas,” ayon kay Albano. (BONG SON)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com