PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
NAGING paborito naming character actor si Raoul Aragon noong 80’s lalo na sa mga pelikula niyang Ina Ka ng Anak Mo, Working Girls, Sana Bukas Pa Ang Kahapon, Sana Maulit Muli, at doon sa mga action movie ni Da King FPJ na napakahusay niyang kontrabida.
Noong 1970 siya nagsimula sa showbiz at nakatrabaho nga niya ang halos lahat ng “legends at icons” sa local movies including the great directors at mga National Artist na ngayon.
At 78, balitang pumanaw na ito sa L.A., USA at dadalhin nga rito sa Pilipinas ang kanyang labi para rito na ilagak.
Natatandaan pa namin ang naging panayam sa aktor noong late 80’s kasama ang crew ng yumaong si Ate Luds (Inday Badiday) para sa isang espesyal sa TV noon. ‘Yun ‘yung mga panahon na nagbabalak na silang mag-anak na mag-migrate sa America dahil ayon sa kanya, “for greener pasture,” gaya ng iba pang artista na pinili ring manirahan doon.
Naging paborito siyang supporting actor sa maraming Viva Films movies at sa mga movie ni FPJ.
Noong 1995, nasa USA na siya at sa movie na Sana Maulit Muli, ang nag-iisang pelikula ni Lea Salongana tunay namang klasiko (as in kamala-malaki), tandang-tanda pa namin ang napakagaling na portrayal ni Raoul bilang Pinoy restaurant owner sa Amerika na nagmalupit sa karakter ni Aga Muhlach at iba pang Pinoy cast na kasali sa movie.
Para ngang hindi man lang kinalawang ang kanyang pagiging Best Actor dahil kamumuhian mo nga ang husay niya sa pagganap.
The last time na may nabalitaan kami tungkol sa kanya ay noong mid-2010 nang dahil sa parang reunion sort of ng mga 70’s-80’s actor na nasa USA at Canada na.
Nakalulungkot man, pero base sa mga nababasa naming balita, tila naging maayos at masaya naman ang buhay ng mahusay na character actor kasama ang mga mahal niya sa buhay sa USA.
At ngayong yumao na ito, maganda pa ring isipin na pinili niyang sa Pilipinas mailagak na kahit paano ay may magandang marka naman siyang iniwan sa larangan ng showbiz.
Ang amin pong taos-pusong pakikiramay sa mga naulia ni G. Ricardo Tampadong aka Raoul Aragon, na sa pagkaka-alala namin ay kinailangang lagyan ng additional letter ang screen name niyang Raul dahil sa nauso noong Feng Shui.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com