ni Allan Sancon
DIRETSO at walang iniwasang tanong si Willie Revillame nang humarap sa press kamakailan, lalo na pagdating sa matagal nang usap-usapang bahagi ng kanyang personal na buhay.
Isa sa pinakainit na tanong na muling binuhay ay ang pitong taong relasyon niya noon kay Sugar Mercado. Si Sugar ay naging co-host niya sa isa sa kanyang show.
Iginiit ni Willie na naging makabuluhan at puno ng saya ang naging relasyon niya kay Sugar, lalo na dahil sa malapit niyang ugnayan sa mga anak nito.
“Wala namang went wrong sa naging relationship ko kay Sugar kasi napamahal naman sa akin ‘yung mga anak ni Sugar, parang naging anak ko na rin sila,” ani Willie.
Ibinahagi rin ni Willie ang naging pag-aalaga niya sa mga bata, na para bang tunay na pamilya ang turing niya.
Mas naging personal ang pag-amin ng TV host nang sabihin niyang doon niya ibinuhos ang oras at pagmamahal na hindi niya naibigay sa sarili niyang mga anak.
“Kasi hindi ko na kasama ‘yung mga anak ko. Roon ko nabaling sa mga anak niya… naging anak ko talaga sila,” dagdag ng tv host
Aniya, sa piling ng mga anak ni Sugar niya nahanap ang saya at lunas ng pangungulila bilang isang ama.
Hindi rin nag-atubili si Willie na kilalanin ang katotohanan ng kanilang naging relasyon. “Totoo naman, hindi ko naman maide-deny ang tama at ang totoo… Yes, naging maayos naman,” aniya.
Gayunman, malinaw sa kanya na may mga bagay talagang hindi itinadhana. “Siguro, hindi talaga kami para sa isa’t isa,” dagdag pa niya, sabay giit na naging patas siya sa lahat—maging sa sarili niyang mga anak na nakaunawa sa kanyang naging kaligayahan noon.
Pinabulaanan naman ni Willie ang mga paratang na tila itinatanggi niya ang mga naging karelasyon. “Okay lang ‘yun, at saka hindi ko idine-deny ‘yung naging relasyon ko, kawawa naman ‘yung babae… hindi ako ganong klaseng tao,” mariin niyang pahayag.
Para sa kanya, mahalagang igalang na naging bahagi ang isang babae sa kanyang buhay at huwag burahin ang katotohanan.
Sinabi rin ni Willie na wala siyang lovelife ngayonat masaya siyang nag-iisa.
Aniya, sakaling muling umibig, mas pipiliin niyang panatilihin ito sa pribadong espasyo at hindi na ipangalandakan.
Para pa sa TV host, sapat na ang katahimikan at kapayapaan ngayon—isang bagong yugto na malayo sa intriga, ngunit tapat pa rin sa katotohanan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com