NAGKAISA ang Philippine Sports Commission (PSC) at ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pagtibayin ang kanilang ugnayan upang pabilisin ang pagpapatupad ng pambansang adyenda sa pagpapaunlad ng palakasan. Ito ay hudyat ng iisang layunin ng pamahalaan na makapaghatid ng konkretong resulta sa antas ng mga komunidad, kung saan hinuhubog ang mga atletang Pilipino tungo sa pagiging world-class.
Sa isang pulong noong Huwebes, a kinse ng Enero na dinaluhan ni Executive Secretary Ralph Recto, nagkasundo sina PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco at PSC Chairman Patrick Gregorio na ihanay ang mga prayoridad na proyektong pampalakasan at mga estratehikong plano na nakatuon sa pagpapabilis ng pagpapaunlad ng sports sa buong bansa.
Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapalakas ng mga regional training center, pagpapalawak ng grassroots sports programs, at pagsusulong ng mga inisyatibang pang-sports tourism na layong sabay na pataasin ang antas ng athletic performance at pasiglahin ang lokal na ekonomiya.
“Magtutulungan ang PAGCOR at PSC upang matiyak ang pagkakaloob ng angkop na mga pasilidad, sapat na suporta, at maayos na mga espasyo na magsisilbing pundasyon sa paghubog ng kahusayan ng mga atletang Pilipino,” pahayag ni Executive Secretary Recto.
Dagdag pa niya, “Sa pamamagitan ng pakikipagtulungang ito, muling pinagtitibay ng pamahalaan ang matibay na pangako nitong mamuhunan sa potensiyal ng mga Pilipino—hindi lamang sa paglikha ng mga kampeon sa palakasan, kundi pati sa pagpapatibay ng pambansang dangal at pagbubukas ng mga oportunidad para sa mga komunidad sa buong bansa.”
Sumang-ayon sina Recto, Gregorio, at Tengco na ang malinaw at matibay na pagkakahanay ng pamunuan ay mahalaga upang matiyak na ang mga pamumuhunan ng pamahalaan ay maisasalin sa makabagong pasilidad, mas malawak na akses, at malinaw na mga landas para sa pagpapaunlad ng mga kabataang atleta.
Ang inisyatiba ay nakaangkla sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong nang buong lakas ang sports at youth development, at kilalanin ang palakasan hindi lamang bilang plataporma ng kahusayan kundi bilang mahalagang kasangkapan sa nation-building.
Binigyang-diin ni Executive Secretary Recto ang kanyang bisyon na magtatag ng mga regional training center sa bawat lalawigan sa buong bansa.
Upang mapabilis ang konstruksiyon ng mga pasilidad, binigyang-diin ni PSC Chairman Gregorio ang pangangailangang tukuyin, i-rehabilitate, at tapusin ang mga hindi pa natatapos o hindi ganap na nagagamit na pasilidad, kabilang ang Ilocos Norte Sports Institute and Research Building, mga sports facility sa Siargao at sa Zamboanga Peninsula, sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at ang Athletic Bowl sa Lungsod ng Baguio, bukod sa iba pa.
Ipinunto rin ni Gregorio ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga State Universities and Colleges (SUCs) na may malalawak na lupang hindi pa napapakinabangan, gaya ng UP Mindanao, UP Diliman, at UP Los Baños.
Nagsimula ang konstruksiyon ng mga pasilidad pampalakasan sa UP Mindanao noong idaos sa Davao ang 2019 Palarong Pambansa, subalit nananatili itong hindi pa natatapos. Samantala, ang swimming pool sa loob ng UP Diliman campus ay hindi pa rin natatapos sa loob ng halos isang dekada.
“Kinakailangan nating i-upgrade at tapusin ang mga pasilidad na ito. Bilang katuwang, ang PSC ay mahigpit na makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at sa mga SUCs upang ganap na mapakinabangan ang kanilang mga bakanteng lupa, na may layuning matuklasan at mapaunlad ang talento ng mga atletang Pilipino,” pahayag ni Gregorio.
Binigyang-diin din niya na mahalaga ang malinaw na pangako ng mga national sports associations na magtatag ng kani-kanilang training centers sa mga lalawigan—kung saan karaniwang nagmumula ang kanilang mga atleta—upang maging matagumpay ang mga hakbang sa rehabilitasyon at pagsasaayos.
“Hindi rin maaaring ipagsawalang-bahala ang pagtatatag ng mga sustainable at mahusay na pinamamahalaang training centers sa mga lalawigan, upang matiyak na ang mga pasilidad na ito ay hindi mauuwi sa pagiging mga ‘white elephant’,” ani Gregorio.
Kasabay ng mga inisyatibang ito ang plano ng PSC na isailalim sa komprehensibong rehabilitasyon ang buong Rizal Memorial Sports Complex, isang makasaysayang sentro ng palakasan sa bansa.
Malapit nang matapos ang rehabilitasyon ng tennis center bilang paghahanda sa pagdaraos ng Philippine Women’s Open WTA 125 mula Enero 26 hanggang 31.
Samantala, ang iconic na baseball field—na matagal nang nangangailangan ng pagsasaayos—ay isasailalim sa malawakang rehabilitasyon, kasama ang football field at ang konstruksyon ng katabing Philippine Sports Plaza na maglalaman ng shopping mall at mga restawran sa kahabaan ng Adriatico Street. (PSC-ICE/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com