ni Allan Sancon
USAP-USAPAN ngayon ang bagong pasabog ng Viva One matapos opisyal na ipakilala sa members ng media ang mga bibida sa kanilang pinakabagong original series, ang My Husband Is a Mafia Boss.
Tampok dito ang kauna-unahang pagtatambal nina Joseph Marco at Rhen Escaño, na agad umani ng interes mula sa press at fans.
Mas lalo pang uminit ang eksena nang lumutang ang rebelasyon na matagal na palang may crush si Joseph kay Rhen.
Ang serye ay hango sa sikat na Wattpad story ng yumaong manunulat na si Diana Marie Serrato Maranan, mas kilala bilang Yanalovesyouu, na may mahigit 200 milyong reads online. Patunay ito kung gaano kalakas ang hatak ng kwento bago pa man isa-telebisyon.
Kaya naman mataas ang inaasahan ng fans na magiging matagumpay din ang live-action adaptation nito sa Viva One.
Umiikot ang kwento ng My Husband Is a Mafia Boss sa isang babaeng biglang mapapangasawa ang isang lalaking may itinatagong madilim na pagkatao—isang mafia boss. Sa gitna ng sapilitang kasal, unti-unting mamumuo ang kilig, away-bati, at tawanan habang sinusubukan nilang buuin ang isang relasyong nagsimula sa kasinungalingan.
Pinagsasama ng serye ang romansa, komedya, at kaunting aksyon, kaya siguradong hindi mabibitin ang manonood.
Gagampanan ni Joseph ang papel ng isang makapangyarihan ngunit misteryosong mafia boss na sanay magkontrol ng lahat—maliban sa sarili niyang puso.
Samantala, si Rhen naman ang gaganap bilang isang matapang, palaban, at charming na babae na mapipilitang harapin ang isang buhay na hindi niya pinili. Kasama rin sa cast ang ilang beterano at baguhang aktor na gaganap bilang pamilya, kaibigan, at mga taong magiging hadlang sa kanilang pagmamahalan.
Sa direksiyon ni Fifth Solomon, tiniyak ng production na magiging masigla at puno ng emosyon ang bawat eksena.
Ayon sa Direk Fifth, “Gusto naming ipakita ang kakaibang love story—kung paano nagiging totoo ang pagmamahal kahit nagsimula ito sa kasinungalingan at peligro.”
Dagdag pa niya, binigyan nila ng sariwang timpla ang kwento para mas maka-relate ang modernong audience.
Sa aming exclusive interview kina Joseph at Rhen ay tahasang inamin ni Joseph na excited siyang makatrabaho si Rhen dahil matagal na niya itong crush.
“Maganda na, mahusay pa umarte—kaya nakaktutuwang finally, magkasama na kami sa isang project,” anang aktor.
Hindi naman nagpahuli si Rhen at pabirong sagot, “Nakakakilig at nakaka-pressure, pero thankful ako. Gagawin ko ang best ko!”
Sa dami ng kilig, rebelasyon, at intriga, malinaw na ang My Husband Is a Mafia Boss ang susunod na seryeng tiyak na aabangan at pag-uusapan ng manonood.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com