PINAMAMADALI ni Marikina City Mayor Maan Teodoro ang pagpasa ng pondo sa Sangguniang Panlungsod para mabayaran ang utang sa Manila Water kaya naputulan ng suplay ng tubig ang buong Barangay Tumana na nagbigay ng pasakit sa mga residente.
Sa isang formal letter na natanggap ng City Council, kailangan na umanong bayaran ang partial na P15,000,000 na konsumo ng Barangay Tumana sa Manila Water.
Nabatid na hindi nabayaran at nabaon sa utang si Barangay Captain Akiko Centeno sa halagang P37,192,199.98 sa Manila Water kaya pinutulan ng suplay ng tubig ang barangay.
“Huwag nating payagang mag-Pasko ang Barangay Tumana nang walang tubig,” ayon kay Mayora Teodoro.
Ayon kay Teodoro, ang proposed ordinance ay isang decisive intervention para maglaan ng pondo at ma-settle ang obligasyon na nararapat para sa mga residente at magkaroon ng suplay ng tubig lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Iginiit ng alkalde na ang legal at moral obligations ng City Government of Marikina ay base na rin sa mandato ng Section 16 ng Local Government Code na naglalayong maproteksiyonan ang kaligtasan ng mamamayan.
Umapela din si Teodoro sa City Council na iprayoridad ang kaligtasan ng mga residente, partikular ang mga apektadong residente ng Barangay Tumana.
“Dahil sa bigat at agarang epekto ng krisis na ito, buong paggalang kong hinihiling sa mga Kagalang-galang na Miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang agarang aksiyon at malasakit sa pagpasa ng ordinansang ito,” pahayag ng alkalde.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com