PINURI ng pulisya at netizens ang isang magsasaka nang isauli ang napulot na bag na naglalaman ng mahigit P100,000 cash, cellphone at mga alahas sa bayan ng Laoang, Northern Samar, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Laoang Municipal Police Station (MPS), kinilala ang nasabing magsasaka na si Pobleo Narca, 53 anyos, naninirahan sa Brgy. Olares ng nasabing bayan.
Nabatid na ang nasabing bag ay dinala ni Narca sa kanilang himpilan nang kanyang mapulot sa kalsada kamakailan upang maibalik sa tunay nitong may-ari.
Sinabi ni Captain Nimrod Holares, hepe ng Laoang MPS, ang bag ay naglalaman ng P60,000 cash, cellphone, dalawang mamahaling relo na tinatayang nagkakahalaga ng P111,000 at passport.
Agad itong ipinaskil ng Laoang MPS sa kanilang social media na nakita ng may-ari nitong kinilalang si Christina Sharpe kaya agad siyang nagtungo sa nasabing himpilan para mabawi ang bag.
Sa pahayag ng may-ari, nahulog umano ang kaniyang bag na naiwan niya sa ibabaw ng sasakyan habang sila ay nagbibiyahe.
Nakatakdang parangalan ng pulisya at ng lokal na pamahalaan ang ipinakitang katapatan ng nasabing magsasaka.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com