Buhay ang naging kabayaran ng isang magsasaka sa utang na P50 matapos siyang barilin at mapatay ng inutangan sa bayan ng Mariveles, lalawigan ng Bataan, nitong Linggo ng gabi, 30 Nobyembre.
Sa ulat mula sa Mariveles MPS, kinilala ang biktima na si Rodito Ramirez, 44 anyos, residente ng Zone 6, Brgy. Camaya, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa salaysay ng isang saksi, narinig niyang nagtatalo ang biktima at ang suspek na kinilalang si Roger Lampaso, alyas Warren, 29 anyos, at kapitbahay ng biktima.
Ito ay matapos puntahan ng suspek ang bahay ng biktima upang maningil ng utang hanggang ilang saglit lang, isang putok ang narinig ng saksi.
Pagdungaw niya, nakita niya ang suspek na may hawak na improvised shotgun o boga, ang sandatang pinaniniwalaang naging mitsa ng buhay ng biktima.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksiyon ng Brgy. Poblacion habang ang biktima ay isinugod sa Mariveles District Hospital kung saan siya idineklarang dead on arrival.
Sa pinakahuling ulat, hawak na ng mga tauhan Mariveles MPS si Lampaso na ngayon ay nahaharap sa kasong homicide. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com