AMMAN, Jordan — Nakapagtala ng makasaysayang tagumpay ang Alas Pilipinas girls team matapos masungkit ang tiket patungo sa 2026 FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship nang talunin nila ang Thailand, 25-23, 25-20, 19-25, 25-22, para makuha ang ikalimang puwesto sa 2nd AVC Asian Women’s U16 Volleyball Championship nitong Sabado sa Prince Hamzah Sports Hall.
Pinangunahan ni team captain Xyz Rayco ang laban sa kanyang unang international tournament matapos kumamada ng 30 puntos mula sa 25 attacks, apat na blocks, at isang ace — dahilan upang makamit ng pinakabatang pambansang koponan ng Pilipinas ang pinakamataas na pagtatapos nito at ang karapatang lumahok sa World Championship sa Chile sa susunod na taon.
Matapos ang panalo laban sa Thailand, Ramon “Tats” Suzara, pangulo ng Philippine National Volleyball Federation at ng AVC, ay nagpaabot ng pagbati sa koponan para sa kanilang tagumpay na makapasok sa World Championship.
Nakuha ng Pilipinas ang huling puwesto para sa Asya, dahil awtomatikong kuwalipikado na ang China bilang defending world champion kahit bago pa man umabot sa Final Four. Ang iba pang Asian teams na pasok ay ang Korea, Chinese Taipei, at Japan.
“’Yan talaga ang icing on the cake,” ani Alas U16 coach Edwin Leyva. “Dalawang linggo lang kaming naghanda, at noong una, parang buhaghag lang ang team. Pero tinake namin ito one set at a time, at ngayon, natupad na ang pangarap namin.”
Nakabawi ang Alas matapos matalo sa ikatlong set at napigilan ang late rally ng Thailand sa ikaapat. Nang magtabla ang iskor sa 19-all, umarangkada si Rayco at tinapos ang laban sa kanyang huling tatlong puntos upang selyuhan ang tagumpay at ang tiket patungong World Championship.
“Na-inspire ako kasi bata pa ako pero nakarating na ako sa ganitong level, at alam kong may mas mataas pang antas na naghihintay sa akin,” wika ni Rayco.
Nagbigay suporta si Nadeth Herbon na may 16 puntos, habang si Madele Gale ay nagtala ng 11 puntos kabilang ang limang blocks.
Ang panalong ito ay nagsilbing paghihiganti matapos matalo ang Pilipinas sa Thailand sa limang set noong quarterfinals kahit may 2-1 set lead.
“Sa third set, medyo bumaba ‘yung energy namin, pero sa fourth, hindi na namin hinayaan kasi ayaw na naming maulit ‘yung nangyari noong huli,” ani Rayco.
Sa kabila ng maikling paghahanda, umani ng papuri ang batang koponan ng Pilipinas sa kanilang international debut — nakakuha ng isang set laban sa defending champion Japan, tinalo ang Iran para makapasok sa final eight, at winalis ang Hong Kong upang makalaban para sa ikalimang puwesto.
Nagtapos naman sa ikaanim ang Thailand, pinangunahan ni Natacha Thongkham na may 18 puntos at ni Chamikon Cankawe na may 13. (PNVF)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com