INARESTO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng empleyado ng sub-contractor company ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na naka-duty sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 matapos madiskubreng sangkot sa human trafficking sa babaeng pasahero na hinarang ng Bureau of Immigration (BI) patungong Malaysia.
Sa ulat na isinumite kay NBI Director Judge Jaime Santiago, inaresto ang isang alyas Monica, empleyado ng Data Trail Corporation, noong 5 Hunyo, sa NAIA Terminal 3, kung saan siya naka-duty.
Una rito, naharang ng I-PROBES-NAIA Terminal 3 ang pasaherong si alyas Ana na patungong Malaysia noong 4 Hunyo 2025 dahil sa pekeng BI border stamp at boarding pass.
Sa kanyang affidavit, itinuro niya ang isa pang pasahero na si alyas Marigold dahilan upang maharang din patungong Kuala, Lumpur.
Sa imbestigasyon, lumabas na ang tumulong sa kanya sa ilegal na paglabas ng bansa ay si Monica at isang alyas Lydia.
Nagbayad si ‘Marigold’ ng P120,000 sa pamamagitan ng GCash kay Monica para alalayan sa departure at bibigyan siya ng escort dahil siya ay nagtatrabaho sa NAIA at may koneksiyon sa BI officers.
Si Lydia umano ang nagpakilalang BI officer na nakatalaga sa NAIA 3 ang tumawag sa pamangkin ni Marigold upang bigyan ng instruction sa proseso ng departure.
Sa beripikasyon, nakompirma na ang recipient sa GCash ay si Monica at empleyado ng nasabing sub-con.
Isinailalim na sa inquest proceedings si Monica dahil sa paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Person Act of 2003) na inamyendahan ng RA 11862 (Expanded Anti-Trafficking in Person ACT OF 2022).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com