TULOY na tuloy na ang pinakaaabangang 8th EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ngayong taon mula sa Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Magaganap ang espesyal na pagtatanghal ng ikawalong edisyon ng The EDDYS sa Ceremonial Hall Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, sa July 20, 2025.
Sa venue ring ito idinaos ang 7th EDDYS noong nakaraang taon na naging matagumpay at dinaluhan ng mga malalaking pangalan sa entertainment industry.
Ang taunang pagbibigay-parangal ng The EDDYS, mula sa samahan ng mga entertainment editor sa Pilipinas, ay bahagi ng pagkilala at pagpapahalaga ng SPEEd sa mga pelikula, artista at iba pang personalidad na itinuturing na pinakamagagaling sa Philippine Cinema.
May 14 acting at technical awards na ipamimigay sa 8th The EDDYS na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2024.
Bukod sa pagkilala sa mga natatanging pelikula nitong nagdaang taon, magiging highlight din ng pinakaaabangang awards night ang pagbibigay-pugay sa bagong batch ng EDDYS Icons na itinuturing nang mga haligi ng movie industry.
Sila ang mga artista, direktor at iba pang personalidad na hindi matatawaran ang kontribusyon, dedikasyon, at pagmamahal sa industriya ng pelikulang Filipino sa loob ng mahabang panahon.
Ang ilan pa sa mga special award na ipamamahagi ay ang Isah V. Red Award (ang mga walang sawang tumutulong at nagbibigay inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan), at ang Joe Quirino Award at Manny Pichel Award (para sa mga natatanging miyembro ng entertainment media).
Bukod dito, kikilalanin din sa gabi ng parangal ang Rising Producer of the Year at Producer of the Year.
Muli ring pararangalan ng SPEEd ang mga naging bahagi at lumaban para sa patuloy na pagbangon ng Philippine movie industry sa ikalawang taon nito – ang The EDDYS Box Office Heroes.
Abangan ang iba pang mga detalye tungkol sa inaabangang 8th The EDDYS mula sa SPEEd ngayong Hulyo.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading broadsheet, top tabloid newspaper, at online portals sa Pilipinas sa pamumuno ng presidente nitong si Salve Asis, entertainment editor ng Pilipino Star Ngayon at Pang Masa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com