IPINALIWANAG ni Senator Pia Cayetano sa mga bagong ina na may batas na nag-uutos sa mga ospital na isama agad sa kanila ang sanggol matapos manganak.
Sa “Yes or No” na segment ng CIA with BA noong Nobyembre 3, ikinuwento ni Annika mula sa Mariteam ang karanasan niya sa panganganak. Aniya, ang kanyang sanggol ay sandaling dinala sa nursery at agad ding ibinalik sa kanya.
Sa kanyang pag-usisa, tinanong ni Annika kung may batas bang nag-uutos sa mga ospital na sundin ang ganitong sistema.
“‘Yung mom ko po napansin niya kasi ‘yon and sabi niya, hindi naman daw ganoon dati,” sabi niya.
Diretsahang sumagot si Senator Pia ng “yes,” at ipinaliwanag na ang ganitong sistema ay bahagi ng “Rooming-In Law” na isinulong ng yumaong dating Senador Edgardo Angara.
Ibinahagi ni Ate Pia na si Senador Angara, na naging kasama niya sa Senado, ang nagturo sa kanya kung paano amyendahan ang kanyang panukalang batas na nagpo-promote ng pagpapasuso.
“Sabi niya sa’kin, ‘Pia, may batas ako — rooming-in; they are related, so ia-amend mo ngayon ‘yung batas ko,’” kuwento niya.
“Sa Rooming-In Law, automatic ‘yan na ibigay ang baby sa nanay. Why? Because ‘yon ‘yung natural bonding na nagpo-promote ng breastfeeding,” paliwanag ni Ate Pia.
“According to studies, ang baby malabo pa ang paningin niyan for months pero gagapangin niya ang dede ng mommy niya,” dagdag niya.
Patuloy na itinataguyod ng CIA with BA ang legacy ng yumaong Senador Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, na may replays sa GTV tuwing Sabado ng 10:30 p.m..