SIPAT
ni Mat Vicencio
HINDI kakayaning makapasok sa ‘Magic 12’ ang lahat ng kandidato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at malamang dalawa sa kanyang senatoriables ang malaglag sa nakatakdang May 2025 midterm elections.
Sina Senator Lito Lapid at Mayor Abby Binay ang maaaring masibak sa darating na halalan at mahihirapang makalusot kahit na kabilang sila sa makapangyarihang senatorial slate ng administrasyon ni Bongbong.
Bilang senador, si Lapid ay tinaguriang ‘Chairman ng Committee on Silence’ dahil walang pakialam o tahimik sa mga kaganapan sa Senado, at madalas na hindi sumasali sa mga committee deliberations o debate kahit ang pinag-uusapan ay napaka-importanteng isyu.
Matumal din maglabas ng PR ang tanggapan ni Lapid at bihira rin naman gamitin ng senate reporter kung meron mang istorya ang senador dahil hindi maayos at mababaw ang pagkakagawa nito.
Si Abby ang politikong sinasabing pang Makati City lamang, at marami ang nagtataka kung bakit tumakbo sa Senado kahit walang panalo. At sino ba ang makalilimot nang mag-away o magkagirian sila ng kanyang kapatid na si Junjun sa gitna ng kampanya sa isang simbahan?
At sa mga survey, mapapansing nasa hulihang puwesto at hindi makapasok sa ‘Magic 12’ si Lapid habang si Abby kalimitan ay kulelat din lalo sa survey nitong mga nakaraang buwan ng Marso, Hunyo, at Hulyo.
Kailangan namang doble-kayod sina Congresswoman Camille Villar, DILG Secretary Benhur Abalos at Senator Francis “Tol” Tolentino na medyo nasa laylayan din ng ‘Magic 12’ at pagbutihin ang gagawing pangangampanya dahil hindi rumerehistro sa kamalayan ng mamamayan ang kanilang kandidatura.
At kung 10 ang makalulusot sa 12 kandidatong senador ng administrasyon sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, tagumpay na itong maituturing at pagpapakita ng pagtanggap ng taongbayan sa liderato ni Bongbong.