ANIM na katao na pinaghihinalaang sangkot sa illegal na droga kabilang ang isang drug den operator at isang regional target na drug personality ang naaresto sa isinagawang buybust sa Purok 4, Barangay Calapandayan, bayan ng Subic, Zambales kamakalawa, 19 Mayo.
Kinilala ng hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Zambales ang drug den maintainer na si Jessie N. Aguillon, alyas Bitac, 57; habang ang regional target ay kinilalang si Yvette A. Griffe, 51.
Ang apat pang naaresto ay kinilalang sina Joven Padrique, 32, residente sa Brgy. Magsaysay, Castillejos; Joshua Antonio, 26, residente sa Brgy. Nagbayan, Castillejos; Arnold Canday, 28, residente sa Brgy. Calapandayan, Subic, Zambales; at Jay Villaran, 45, residente sa Brgy. Calapandayan, Subic, Zambales.
Tinatayang walong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P54,400 ang narekober sa isinagawang operasyon kabilang ang samot-saring drug paraphernalia at marked money.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsamang elemento ng PDEA Zambales Provincial Office, PDEA SIU-SBMA, PDEU Zambales PPO, PDEG SOU3, Naval Intelligence Security Group (NISG) North, at ng lokal na pulisya.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. (MICKA BAUTISTA)