MAHIGIT P.2 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa isang babaeng tulak, listed bilang high value individual (HVI) matapos maaresto sa isinagawang buybust operation sa Valenzuela City.
Kinilala ni P/Cpt. Jerryl Terte, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang naarestong suspek na isang alyas Bengyuki, 44 anyos, residente sa Brgy. Mapulang Lupa.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni P/Cpt. Terte, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa illegal drug activities ng suspek kaya isinailalim sa validation.
Nang makompirma na positibo ang ulat, ikinasa ng DDEU ang buybust operation at isang undercover police ang nakipagtransaksyon sa suspek ng P10,000 halaga ng droga.
Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba sa loob ng isang bahay sa Bagong Sikat, Purok 4, Brgy. Mapulang Lupa, dakong 4:22 pm.
Nakompiska sa suspek ang 30 gramo ng hinihinalang shabu na may Dangerous Drug Board – Standard Drug Price (DDB-SDP) value na P204,000, buybust money na isang P1,000 bill, kasama ang 9 pirasong P1,000 boodle money at cellular phone.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)