Iloilo City – Tulad sa pagkilala sa kahalagahan ng pamilya, asam ni Senador Francis “Tol” Tolentino pati na ang mga kasama nito sa Commission on Higher Education, Armed Forces of the Philippines, Department of National Defense, at Philippine Sports Commission na maging institusyon din ang Philippine Reserve Officers Training Corps Games.
Ito ang napagkasunduan ng mga ahensiya matapos buksan nina Tolentino kasama sina PSC chairman Richard Bachmann, CHEd Executive Director-Central Office Cinderella Jaro at pati kinatawan ng AFP at DND matapos ang makulay na pagbubukas ng multi-sports na torneo.
“Ang Philippine ROTC Games po ay nagpapakita ng ating pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng sports,” sabi ni Tolentino. “Ito ay nagsisimbolo ng patriotism, volunteerism, at pagsisilbi para sa ating Inang Bayan kaya kami po na mga ahensiya ay nagkakasundo na makilala ito bilang isang respetadong institusyon.”
Nagbigay ng kanilang pagsang-ayon sa pagkilala sina Special Assistant to IloIlo City Mayor Matthy Treñas, Iloilo City Councilor Sidfrey Cabaluna, Rep. Anthony Rolando Golez, Jr., at Iloilo Governor Arthur Defensor, Jr.
Umaasa sina Tolentino, Bachmann at mga opisyal na maisasabay nila sa pagtakbo ng panahon ang iba pang kakulangan sa torneo na inaasam nitong mas makabubuti para sa torneo pati sa mga kasaling kadeteng atleta.
“We hope to include the PROTC Games as among our sports programs in CHED as we review our programs,” sabi ni Jaro. (HATAW Sports)