NABUKING ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pinaniniwalaang illegal recruitment scheme na target ang mga dating overseas Filipino workers (OFWs).
Kabilang dito ang kaso ng isang 37-anyos Pinay na nadisaprobahan ng mga tauhan ng Immigration sa NAIA Terminal 1 na nakatkdang lumabas ng bansa sakay ng isang flight patungong Doha, Qatar.
Sa imbestigasyon ng BI, nabistong ilegal na nirekrut ang Pinay para magtrabaho bilang isang household service worker sa Dubai.
Sinabi ng biktima, wala siyang kompirmadong employer at ipoproseso lamang ang kanyang dokumento pagdating sa naturang bansa.
Samantala, isang katulad na kaso ang iniulat ng ahensiya sa NAIA Terminal 1.
Isang babaeng OFW ang nagsabing siya ay isang returning worker sa Riyadh at bumibiyahe lamang patungo sa Dubai.
Ipinasa na ang naturang mga kaso sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa legal na aksiyon laban sa mga recruiter na responsable sa pagsasagawa ng kagayang iskema. (HNT)