HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI maiaalis na sumama ang loob ni Willie Revillame. Isipin ninyo may mga movie reporter daw na inayudahan niya ng P10k buwan-buwan sa loob ng dalawang taong lockdown, na tila ngayon ay natutuwa pa sa nangyayari sa kanyang show. May sinasabi pa siyang isang reporter na binigyan niya ng P50k nang kumandidato iyong konsehal na hindi naman niya sinabi kung saan.
Masama rin ang loob niya sa isang artistang binigyan daw niya ng unit sa kanyang condo at isang kotse tapos ngayon ay sinasabi pang mayabang kasi siya.
Sana sa susunod pangalanan na ni Willie kung sino-sino ang sinasabi niyang iyan para magkaalaman na.
Noong panahon ng lockdown, wala kaming natanggap na ayuda mula sa gobyerno. Hindi rin kami sumama sa mga tumanggap ng ayuda mula sa FDCP. Ang natanggap lang naming ayuda ay mula kay Boss Jerry Yap ng Hataw, at mula sa isa pang diyaryo na aming sinusulatan. Nagkaroon ng “community pantry” para sa movie press, at nakuha namin iyon at naibigay naman sa community pantry namin sa simbahan. Nagpadala rin ng tulong si Gretchen Barretto na agad din naming ipinadala sa community pantry ng simbahan dahil mas kailangan iyon doon. Awa naman kasi ng Diyos, ‘hindi kami naging pulubi’ kahit noong panahong iyon, kasi may trabaho kami.