ANIM na casualty ang naitala ng lalawigan ng Misamis Occidental nitong Lunes, 26 Disyembre, sa patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng rehiyon ng hilagang Mindanao na nagresulta sa pagpapalikas ng higit sa 40,000 katao.
Isinagawa ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Oroquieta City Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) ang pinakahuling retrieval operation sa Purok 3, Brgy. Mialen nang matabunan ng lupa sa insidente ng landslide ang bahay ng isang biktima.
Kinilala ang mga namatay na sina Elenita Calamian, 43 anyos, at kanyang amang si Mario Sambiog, 70 anyos.
Sanhi ng landslide ang patuloy na pag-ulan simula pa noong 24 Disyembre na tinawag na “shear line” event ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa mga datos mula sa Office of the Civil Defense -Region 10 (Northern Mindanao), at ng Regional DRRM Council (RDRRMC-10), naitala ang apat pang ibang binawian ng buhay, dalawang sugatan, at tatlong nawawala sa lalawigan ng Misamis Occidental.
Patuloy na nagsasagawa ang Provincial DRRMO (PDRRMO) ng response operations sa mga binahang bayan na may mga napinsalang pampublikong impraestruktura at mga bahay na nalubog sa baha.
Gayondin, nagtalaga si Gov. Henry Oaminal ng mga supporting unit sa relief operations para sa mga pamilyang nakasilong sa mga evacuation center katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Aniya sa isang media briefing, humina ang pag-ulan kahapon ngunit patuloy pa rin ang pag-agos ng tubig mula sa matataas na lugar patungo sa mabababang lugar.
Dagdag niya, nakaantabay ang PDRRMO at mga allied unit para sa agarang pagresponde.
Naitala ng RDRRMC-10 ang nailikas na 7,540 indibidwal o 1,769 pamilya hanggang nitong Lunes.
Sa 11 apektadong LGU, nakapagtala ang bayan ng Jimenez ng pinakamataas na bilang ng evacuees na 5,741 indibidwal o 1,327 pamilya.