WALA nang buhay nang matagpuan ang mga katawan ng dalawang mangingisdang kasama sa naiulat na nawawala sa lalawigan ng Catanduanes, ayon sa kompirmasyon ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol nitong Martes, 27 Disyembre.
Ayon kay Gremil Naz, tagapagsalita ng OCD Bicol, natagpuan ang bangkay ni Arnel Araojo, 43 anyos, sa dalampasigan ng Brgy. Calanaga, Rapu-Rapu, Albay; habang natagpuan ang bangkay ni Noel Zafe, 41 anyos, sa dalampasigan ng Matnog, Sorsogon.
Kapwa mula sa Virac, Catanduanes sina Araojo at Zafe at naiulat na nawawala kasama ng pitong iba pa noong 24 Disyembre matapos pumalaot at mangisda sa Catanduanes.
Dagdag ni Naz, hanggang kahapon ay nananatiling nawawala sina Dante David, Domingo Borilla, at Jason Mandasoc, pawang mga residente ng Virac; at Ringo Tupig, Willy Uchi, Jobert Teano, at Juanito Estrella, Jr., pawang mula sa Viga, parehong mga bayan sa naturang lalawigan.
“‘Yung Viga fishermen po ay December 20 nagpalaot pero December 23 ay hindi pa nakauuwi. ‘Yung Virac ay December 21 nagpalaot at expected December 24 makababalik pero hindi pa nakauuwi,” pahayag ni Naz.
Nagsagawa ng aerial search at rescue and retrieval (SRR) operation ang Philippine Airforce (PAF), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs) ng Virac at Viga kamakalawa ngunit negatibo pa rin ang resulta.