INILIKAS ng mga lokal na opisyal ang hindi bababa sa 127 pamilya o 417 katao patungo sa mga evacuation center sanhi ng patuloy na pag-ulan mula noong Linggo, 19 Disyembre, ilang insidente ng pagbaha at pagguho ng lupa ang naiulat sa rehiyon ng Bicol.
Ayon kay Gremil Alexis Naz, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) sa Bicol, naiulat ang 62 insidente ng pagbaha at dalawang landslide sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, at Camarines Norte.
Karamihan sa mga inilikas na mga residente ay mula sa mga bayan ng Calabanga, Lagonoy, at Tinambac, sa Camarines Sur; at bayan ng Vinzons, sa Camarines Norte.
Sinimulan ng mga opisyal ng disaster office ang paglilikas noong Linggo ng hapon nang magsimulang bumaha sa mga barangay na nasa mababang lugar.
Dagdag ni Naz, lubog sa baha ang 39 barangays sa mga bayan ng Magarao, Calabanga, Bombon, Tinambac, San Jose, Presentacion, Lagonoy, Goa at Caramoan, sa lalawigan ng Camarines Sur.
Samantala hindi madaanan ng sasakyan ang ilang mga kalsada sa mga bayan ng Lupi, Lagonoy, Goa, at Calabanga.
Sa Albay, rumagasa ang lahar mula sa bulkang Mayon nitong Lunes, 19 Disyembre, dahilan kung bakit hindi madaanan ang mga kalsada sa Brgy. Mauraro, sa bayan ng Guinobatan.
Agad nagsagawa ng clearing operations upang matanggal ang mga kalat sa kalsada.
Sa bayan ng Sto. Domingo, nagkaroon ng pagguho ng mga bato sa mga barangay ng Alimsog, Calayucay, at Buhatan.
Pansamantalang isinara sa mga motorista ang mga kalsada sa lugar upang maiwasan ang mga aksidente.
Sa bayan ng Daraga, napinsala ang isang garahe sa isang residential area sa Brgy. Sipi village.