DALAWA katao ang namatay kabilang ang anak ng alkalde, habang sugatan ang dalawang iba pa sa insidente ng pamamaril sa bayan ng Lutayan, lalawigan ng Sultan Kudarat, nitong Martes ng gabi, 13 Disyembre.
Kinilala ni P/Capt. Leonel Delasan, hepe ng Lutayan MPS, ang mga biktimang sina Datu Naga Mangudadatu, 30 anyos, anak ng alkalde ng Lutayan; at Dennis Hadji Daup, 25 anyos, ng Brgy. Paitan, dakong 6:30 pm sa palengkeng bayan.
Ayon kay P/Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Sultan Kudarat PPO, nakaupo sa harap ng kanyang tindahan si Datu Naga, anak ni Lutayan mayor at dating Sultan Kudarat governor Pax Mangudadatu, nang dumating ang isang pick-up sakay ang mga suspek na walang habas silang pinagbabaril.
Dinala si Datu Naga sa Koronadal City hospital ngunit idineklarang dead on arrival, samantala binawian ng buhay si Daup habang sumasailalim sa atensiyong medikal.
Sugatan sa inisdente nang tamaan ng ligaw na bala sina Watari Kalim, 34 anyos, at isang 11-anyos na batang lalaki.
Narekober ng pulisya ang mga basyo ng bala ng M-16 Armalite rifle at M-14 rifle sa pinangyarihan ng krimen.
Wala pang inilalabas na pahayag ang pamilya Mangudadatu kaugnay sa insidente.