Friday , December 27 2024

Kasunod ng US sanction vs assets,
AKTIBIDAD SA PH NG KOJC LEADER IMBESTIGAHAN — SOLON

121222 Hataw Frontpage

ni ROSE NOVENARIO

DAPAT imbestigahan ng pamahalaan ang mga sinabing ilegal na aktibidad ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy sa Filipinas kasunod ng hakbang ng gobyerno ng Estados Unidos na i-freeze ang mga ari-arian niya sa Amerika, ayon kay ACT Teachers partylist Rep. France Castro.

Pinatawan ng sanction ng Department of Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) ng Estados Unidos si Quiboloy dahil sa pang-aabuso sa karapatang pantao, kasabay ng pagdiriwang ng International Anti-Corruption Day and Human Rights Day kamakalawa.

Sa isang pahayag, sinabi ng US Department of Treasury na kabilang si Quiboloy sa higit 40 katao at mga organisasyon na sangkot sa korupsiyon o pang-aabuso sa karapatang pantao sa siyam na bansa.

Ayon kay ACT Teachers partylist Rep. France Castro, wala dapat sacred cow sa Filipinas at ang ginawa ng US government ay magandang development kaya’t umaasa siyang magsisilbing hudyat sa mga lokal na awtoridad na tingnan ang mga ilegal na gawain ni Quiboloy sa bansa.

Idinagdag ng mambabatas, dapat din imbestigahan ang prankisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) dahil ito ay ‘nagsisilbing tagapagsalita para kay Quiboloy’ na kinasuhan ng sex trafficking sa US.

Dapat aniyang isaalang-alang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kasunduan nito sa SMNI dahil ang gayong pakikitungo kay Quiboloy na sangkot sa seryosong pang-aabuso sa karapatang pantao, kabilang ang isang pattern ng sistematiko at malaganap na panggagahasa sa mga batang babae na kasing edad ng 11 anyos at iba pang pisikal na pang-aabuso ay hindi dapat konsintihin.

Sa mga parusang ipinataw ng OFAC, ang mga pag-aari at iba pang ari-arian ni Quiboloy sa US ay haharangin at ire-report sa ahensiya.

Si Quiboloy ay pinaghahanap ng United States Federal Bureau of Investigation (FBI) para sa mga kasong Conspiracy to Engage in Sex Trafficking by Force, Fraud and Coercion, at Sex Trafficking of Children; Sex Trafficking sa pamamagitan ng Puwersa, Panloloko, at Pagpipilit; Pagsasabwatan; at Bulk Cash Smuggling.

Binanggit ng OFAC ang isang federal indictment noong 2021 na sangkot umano si Quiboloy sa sex trafficking ng mga ‘pastoral’ o mga batang babae sa KOJC na napilitang magtrabaho bilang personal na alalay ni Quiboloy.

Batay sa indictment, inutusan ang mga pastoral na mag-night duty, at inatasang makipagtalik umano kay Quiboloy ayon sa itinakdang oras. May mga itinatago rin umano si Quiboloy na mga ‘pastoral’ sa iba pang bansa, kasama ang Filipinas at Estados Unidos.

“Quiboloy exploited his role within the KOJC to rape his victims and subject them to other physical abuse, describing these acts as sacrifices required by the bible and by god for the victims’ salvation. The pastorals, who were mostly minors when initially abused by Quiboloy, were told by him to ‘offer your body as a living sacrifice,’” saad ng OFAC.

Sinabi ng OFAC, ang isang report ng isang babae na pinuwersa umanong makipagtalik kay Quiboloy, nang isang beses sa isang linggo kahit noong menor de edad pa siya at sa kada bansa na kanilang pinupuntahan. Hindi niya na raw mabilang kung ilang beses nangyari ang insidente.

Ayon sa OFAC,  isinailalim ni Quiboloy ang mga pastoral at iba pang KOJC members sa iba pang anyo ng pisikal na pang-aabuso, kasama ang panghahataw umano sa mga biktima at pagpapadala sa kanila sa “Upper Six,” isang saradong compound na ginagamit umano sa pagpaparusa.

Ipinatutupad ng US Treasury ang Global Magnitsky Human Rights Accountability Act, na nagpapahintulot sa US officials na mag-sanction ng mga taong sangkot sa korupsiyon o paglabag sa mga karapatang pantao.

Sa ilalim ng sanction, lahat ng ari-arian at interes sa ari-arian ng mga pinatawang tao na nasa Estados Unidos, o nasa pangangalaga o kontrol ng mga tao sa Estados Unidos, ay blocked at iuulat sa OFAC.

Kasama rin dito ang mga entity na direkta o hindi direktang pagmamay-ari, na 50% o higit pa, ng isa o higit pang blocked na mga pinatawan ng parusa, maliban kung may pahintulot mula sa isang heneral o isang espesipikong lisensiya na inisyu ng OFAC.

Isinasaad sa mga regulasyon ng OFAC na pinagbabawalan ang mga tao sa Estados Unidos sa loob o papunta ng bansa na may kaugnayan sa mga ari-arian o interes sa ari-arian ng mga pinatawang tao na makipagtransaksiyon, maliban kung pinahintulan ng isang heneral o espesipikong lisensya na inisyu ng OFAC.

Ipinagbabawal ang pangongolekta o pagbibigay ng mga kontribusyon ng pondo, goods, at mga serbisyo sa pamamamagitan o sa benepisyo ng mga pinatawang indibidwal, o pagtanggap ng kahit anong kontribusyon ng mga pondo, goods, or serbisyo mula sa mga nabanggit na tao.

Pag-aaralan ng Department of Justice (DOJ)  kung ang parusang ipinataw ng US Treasury Department sa mga assets ni Quiboloy ay kabilang sa Mutual Legal Assistance in Criminal Matters Treaties (MLATs) sa pagitan ng US at Filipinas.

About Rose Novenario

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Krystall Herbal Oil

Pulikat sa lamig ng panahon pinapayapa ng Krystall Herbal Oil

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong,          Ako po …