HATAWAN
ni Ed de Leon
UMAARIBA na naman ang mga basher at sinasabing akala raw nila mababago ang primetime standings ng ABS-CBN sa pagsisimula ng serye ni Richard Gutierrez, pero lumabas na 4.1% ang combined ratings niyon sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, ZoeTV, at TV5. Ang katapat niyang show nina Alden Richards at Bea Alonso ay naka-8.1%.
Walang point of comparison eh. Iyong serye nina Alden at Bea ay inilalabas sa GMA 7 na may transmitting power na 150 kw. Bukod doon napapanood sila sa buong Pilipinas sa 95 provincial stations ng GMA na nasa free TV. Bukod pa siyempre iyong cable.
Ang serye ni Richard ay nasa dalawang estasyon sa free tv na parehong mababa ang transmitting power. Nasa dalawang estasyon ng cable, at sa internet. Hindi match iyon.
Bukod doon, mahina ang promo ng serye ni Richard. Ikompra mo naman sa promo na ginawa para kina Alden at Bea bago inilabas ang kanilang serye. Talagang mis-match iyan. Pero ano ang malay natin baka
nga mahusay ang performance ni Richard at kung mababalita iyon, puwedeng mag-switch ang audience. Tataas di ang ratings niya.
Kagaya nga ng sinabi namin, naniniwala kaming posibleng makapag-rehistro ng rating upset si Richard, pero dapat suportahan naman siya sa promo. Kung ang gagawin naman sa kanya ay promo lang sa social media para libre, at butil-butil na publisidad, ano nga ba ang ilalaban niya sa mas malakas at mas maraming outlet sa free TV?