HATAWAN
ni Ed de Leon
IBANG klase talaga si Martin Nievera. Iyong ibang entertainers, ni ayaw nilang mababanggit kung ano ang naging palpak sa kanilang career. Nagagalit sila basta sinabi mong may panahong bumaba na rin ang kanilang popularidad. Pero si Martin, na magkakaroon ng concert bilang celebration ng kanyang ika-40 taon bilang entertainer, sa Solaire sa Sabado, Nobyembre 19, inamin ang lahat.
Inamin niyang nagsimula siya sa ibaba talaga, na ang royalty na natatanggap sa bawa’t plaka niya ay 4 centavos lamang. Tumabo nang husto ang Vicor diyan dahil naging hit ang kanyang unang album. Kaya pagkatapos daw niyon, ang royalty niya ay ginawa nang P1.
Kahanay na siya ng malalaking singers noong kanyang panahon.
Una naming napanood si Martin sa Penthouse Live ng Channel 7, na siyang pumalit doon sa Penthouse 7.Nagsimula ang show noong 1982, pero nang muling mabuksan ang ABS-CBN, lumipat sila roon, dahil ang producer mismo ng kanilang show, si Freddie Garcia ay nakuha rin ng ABS-CBN at naging presidente pa nga ng kompanya. Sila naman ay pinalitan ng Shades ni Randy Santiago.
Noong mga panahong iyon, ang mga plaka ni Martin ay top seller ng Vicor, at kahit na tingnan ninyo ang sales record, siya ang may pinakamataas na benta sa lahat ng mga magkakasabay nilang singers. Isipin din ninyo kung gaano katibay ang career ni Martin, after 40 years, may concert pa siya at may bumibili ng tickets na nagkakahalaga ng P13K , samantalang iyong mga kasabayan niya ay wala na. Marami ang lubog na. Kung may mga naiiwan pa, hindi na rin ganoon kasikat.
Pero iba si Martin eh. Kasi sinasabi nga niya, sa bawat performance ay may natututuhan siyang bago. Sa bawat pambabatikos sa kanya ng mga kritiko may natututuhan siya. Kahit sa bashers hindi siya nagagalit, at sinasabi niyang binabasa niya at pinag-aaralan kung ano
ang makukuha niya para mas mapahusay pa ang kanyang performance.
Kaya ngayon naman, siya pa rin ang Concert King, at gusto niyang patunayan iyan sa M4D, ibig sabihin ay “Martin 4 decades.”