APAT SENIOR CITIZENS, kinabibilangan ng mag-asawa kanilang anak, at isa pa, ang namatay nang mahulog sa kanal ang sinasakyang tricycle sa Brgy. Bagumbayan, bayan ng Hilongos, lalawigan ng Leyte, nitong Miyerkoles ng umaga, 9 Nobyembre.
Kinilala ang mag-asawang binawian ng buhay na sina Francisco Atipon, 83 anyos, at asawang si Petronila, 81 anyos; ang kanilang anak, si Vicente, 60 anyos, nagmamaneho ng tricycle, dead on the spot (DOS); at ang kasama nilang Dario Canales, 62 anyos, dead on arrival (DOA) sa ospital, pawang mga residente sa Brgy. Patag, sa naturang bulubunduking bayan ng lalawigan.
Ayon kay kay Renato Aquino, responde mula sa MDRRMO, binabagtas pababa ng tricycle ang isang matarik na kalsada patungo sa bayan nang maganap ang insidente.
Nabatid na patungo ang tatlong senior citizens sa munisipyo upang kunin ang kanilang mga social pension.
Ani Aquino, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng tricycle kaya bumulusok ito papunta sa isang malalim na kanal.
Sa lakas ng pagkakabagsak ng tricycle, agad namatay ang driver na si Vicente.
Nagresponde agad ang Hilongos Emergency Rescue Unit (HERU) sakay ng tatlong ambulansiya saka dinala ang mga biktima sa Hilongos District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival si Canales.
Samantala, inilipat ang mag-asawang Atipon sa isang ospital sa lungsod ng Ormoc dahil sa malalang pinsala sa kanilang mga katawan.
Namatay si Francisco habang nasa biyahe patungo sa pagamutan, ang asawang si Petronila ay binawian ng buhay habang sumasailalim sa atensiyong medikal sa isang pribadong ospital sa Ormoc pasado 5:00.