HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG lakas ng tawa namin nang makita sa isang social media post ang side by side na komento ni Ambeth Ocampo, isang historian at dating namuno ng National Historical Commission, at ngayon ay isa ring religious sa ilalim ng mga Benedictines ay nakapag-comment din sa sinasabi ng female starlet na si Ella Cruz na ang history ay para lang tsismis.
Sabi ni Brother Ambeth, “ang history, maaaring isulat o maikuwento nang may bias, pero may basehan.” Iyon nga namang tsismis ay mga kuwentong nagagawa kahit na walang basehan. Ang kasabihan nga noong araw, titingala lang at manonood ng butiki pagkatapos may tsismis na.
Hindi rin namin maintindihan kung bakit nagsalita nang ganoon iyang si Ella. Dahil ba sa gusto niyang palabasin na ang ginagawa niyang pelikula ay mas makatotohanan kaysa mga tsismis na kumalat noong araw, o “mema” lang?
Pero dahil sa kanyang social media post na iyon, binagyo siya ng katakot-takot na bashers, at kawawa naman iyong bata kasi sinasabi nilang, ”kaya pala hindi sumikat iyan kasi ganyan.” Ano naman ang kinalaman ng kanyang comment sa history doon sa naging flop niyang pelikula noon na siya ang star? Matagal na iyong pelikulang iyon bago siya nag-comment tungkol sa history.
Hindi naman masasabing iyon ang dahilan kung bakit flop ang pelikula niya noon. Siguro may mali sa kombinasyon sa project kaya hindi pinanood iyon sa sinehan.