ANG paboritong TikTok broski ng bayan na si Raco Ruiz ay nasa NYMA talent agency na. Ang NYMA o “Now, You Must Aspire” ay bahagi ng KROMA Entertainment.
Pangarap ng NYMA na lalo pang pasikatin ang mga Filipino talent gaya ni Raco gamit ang iba’t ibang plataporma—TV, radyo, at print hanggang sa mga social media channels na kinababaliwan ng maraming Pinoy.
Sumikat si Raco sa TikTok (@racobell) at ngayo’y mayroon nang daan-daang followers dahil sa kanyang mga meta-comedy skit. Ang mga nakatutuwang video niya tungkol sa makabagong kulturang conyo at mga voiceover ng mga pelikula at cartoons noong dekada ‘90 ay umani ng milyon-milyong views.
Dahil gusto niyang maging full-time content creator, malaking tulong ang NYMA para kay Raco.
“Madalas na nagiging hyper-focused ang isip ko sa creative aspect at hindi ko na naaasikaso ang business o logistics side na kasing importante rin naman ng creative part kung gusto mo itong maging hanapbuhay,” ani Raco.
“Inaasikaso ng NYMA ang mga bagay na hindi ko mabigyang pansin kaya nakakapag-focus ako sa kung saan ako magaling. Nagtutulungan kami at dahil pareho ang gusto namin, mas napapadali ang creative process,” dagdag pa niya.
Naniniwala naman ang NYMA na malaki ang potensyal ni Raco na lalo pang makilala sa tradigital space dahil sa ipinamalas niyang talino sa pagiging video director at visual artist, dagdag pa ang kanyang husay sa pagsusulat ng comedy skits.
“Napakagaling na artist ni Raco at mayroon din siyang sense of humor. Bilang isang multi-hyphenated artist, nararamdaman namin na magdadala siya ng kakaibang experience sa Filipino audience. Excited na kaming makatrabaho si Raco at yanigin ang local entertainment scene,” sambit ni Kat Bautista, Head ng NYMA.