AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
KUMUSTA ang pagboto ninyo? Anong balita kanina pagkagising ninyo, nangunguna na ba ang inyong ibinoto lalo sa pagkapangulo ng bansa? Malayo na ba ang kanyang puntos laban sa kanyang mga katunggali?
Sino ba ang ibinoto mo, si Bongbong Marcos ba o si Leni Robredo o ang kanilang mga katunggali?
Ano man ang lumabas na resulta ngayong araw na ito — habang patuloy pa rin ang pagbibilang, si BBM ang nangunguna na o si Leni na ang nangunguna, hindi iyon ang mahalaga ngayon at sa halip, lumabas ka kahapon at ibinoto ang naaayon sa puso mo.
Iyon bang hindi ka nadiktahan, iyon bang hindi mo ibinenta ang inyong boto. At sa halip ay sinunod mo ang iyong sariling desisyon. Mayroon kasi akong nakaharap nitong nakaraang linggo — aniya, wala raw siyang magawa kung hindi iboto ang mga idinikta sa kanila kahit na laban sa kanyang kalooban.
Kahapon, 9 Mayo 2022, isang napakahalagang araw sa mga Filipino — ang pagboto sa susunod na presidente ng bansa. Hindi biro ang ginawa ninyong desisyon dahil ang inyong napili ang magiging susunod na lider ng bansa sa mga susunod na anim na taon. Tandaan, ang mga ibinoto natin kahapon ay mula sa pagka-konsehal ng bayan hanggang pagka-pangulo ng bansa.
Naniniwala naman tayo na naging matino ang
inyong pagboto — pinag-isipan mabuti ang iboboto bago pumunta sa polling precinct dahil kung hindi, tayong mga mamamayan din ang magiging nakaaawa kapag nagkamali tayo ng isinulat sa balota.
Ang ibinoto mo ba ay iyong may silbi, hindi
magnanakaw, walang lahi ng pagnanakaw sa gobyerno, makatutulong ba sa pagbabago ng bansa partikular sa ekonomiya na lumagpak dahil sa pandemya? Kung baga, siya ba ay may kakayahan — hindi lamang sa karunungan kung hindi sa serbisyo publiko.
Alalahanin natin, anim na taon uupo, ang ating mga ibinoto sa pagkapangulo pababa hanggang senador habang tatlong taon naman sa lokal. Sila ang mga susunod na lider ng bansa pero sana ay hindi kayo/tayo nagkamali dahil kung hindi ay anim na taon tayong magsisisi o magtitiis.
Ang masaklap lang niyan ay mayroon pa rin tayong mga kababayan na nagpadikta sa kung sino ang kanilang ibinoto kahit labag sa kanilang kalooban. Hayun, ibonoto pa rin dahil baka raw sila magkasala.
‘Ika nga ng isa sa nakausap ko, kahit na labag sa kanyang kalooban ang pagboto sa ilang kandidato, partikular sa pagka-Sendor ay kanya pa rin ibinoto kahit isang corrupt (tiwali), habang ang iba ay walang silbi.
Habang isinusulat ang pitak na ito kahapon (2:00
pm), abala pa rin ang lahat sa pagpunta sa polling precinct para bumoto — sana’y hindi sila umagos sa kung ano ang uso o nagpadikta.
Ngayon, ilang oras na lamang ay malalaman na natin kung sino ang susunod na presidente at bise presidente ng bansa at iba’t ibang bagong lider pa sa lokal. Nawa’y maging malinis ang halalan.
Habang nagbibilang, maging mapagbantay tayo mga Filipino.