NAKAKUHA ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng citation mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa matagumpay na pagtugon sa problema ng ilegal na droga.
Tinanggap ni Mayor Toby Tiangco at Cong. John Rey Tiangco ang plaque para sa 2021 National Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Award mula kay DILG-National Capital Region Regional Director Maria Lourdes Agustin at Assistant Regional Director Atty. Ana Lyn Baltazar-Cortez.
“We thank our fellow Navoteños for actively participating in our anti-drug efforts, especially by reporting through TXT JRT any suspicious individuals or activities. Their support and cooperation have helped us prevent crimes and keep Navotas safe,” ani Mayor Tiangco.
Nakatanggap ang Navotas ng 95 functionality points sa 2019 ADAC Performance Audit.
Kasama sa pamantayan sa pag-audit ang isang organisadong lokal na ADAC, pagpapatupad ng mga plano at programa ng ADAC, paglalaan ng pondo, suporta sa ADACs sa component LGUs, at pagsasagawa ng regular na mga pagpupulong.
Ang Navotas ay nagsagawa ng Bidahan, isang community-based rehabilitation program, kung saan ang mga taong gumagamit ng droga ay sumasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon at counseling na sinusundan ng anim at 18 buwang aftercare.
Nauna rito, 29 dating drug user ang nakapagtapos sa anim na buwang online at limited face-face counseling at aftercare program kaya umabot sa kabuuang 248 ang naka-graduate sa Bidahan mula nang umpisahan ito noong 2016.
Habang 11 sa 18 barangays sa lungsod ay idineklarang drug-cleared ng Philippine Drug Enforcement Agency. (ROMMEL SALES)