PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
KABILANG ang magka-love team at magkarelasyon in real life na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte sa mga Kapamilya stars na pumirma ng panibagong kontrata sa ABS-CBN sa ginanap na Kapamilya Strong 2022 event.
Tumatanaw ng utang na loob ang LoiNie, tawag sa love team nila, dahil sa patuloy na pagtitiwala at pagmamahal sa kanila ng ABS-CBN. Malaki ang naibigay at nagawa sa kanila ng pagiging Kapamilya stars.
“Dito ako nagsimula. Ito ‘yung bumuhay sa akin noong dating walang-wala pa ako. Hanggang ngayon, nandito pa rin ako. Sobrang happy ako kasi kagaya nito, binigyan tayo ng panibagong kontrata ulit. Excited na ko sa mga susunod pang mangyayari,” sabi ni Ronnie.
Ayon naman kay Loisa, “Napakaraming naitulong sa akin ng pagiging Kapamilya bilang bread winner ng family. Hindi lang sa financial. Masaya ako na makapagbigay ng saya, aral, tulong, at inspirasyon sa iba.”
Nakatakdang bumida ang LoiNie sa upcoming Kapamilya teleseryeng Love in 40 Days.