MALUBHANG nasugatan ang isang security guard matapos saksakin ng matandang opisyal ng barangay dahil sa selos, makaraang makitang binisita ng biktima ang babaeng nililigawan ng suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Patuloy na inooserbahn sa Manila Central University (MCU) hospital ang biktimang kinilalang si Raul Baquirin, 55 anyos, residente sa Laura St., Brgy. Old Balara, Quezon City, sanhi ng tama ng saksak sa likod.
Kinilala ni Malabon City police chief, P/Col. Albert Barot ang suspek na si Danilo Manansala, 67 anyos, Barangay Executive Office (Ex-O) ng Brgy. 17, Caloocan City, mabilis na tumakas sakay ng isang Mitsubishi L300 van may plakang NBJ-7820, matapos ang insidente.
Ayon kay P/SSgt. Jeric Tindugan, may hawak ng kaso, dakong 12:00 pm, binisita ng biktima ang kapwa security guard na si Rowena Basinillo, 38 anyos, sa kanyang bahay sa Guava Road, Purok Uno, Brgy. Potrero.
Habang nasa loob, inalok ni Basinillo ang kasamahang sekyu na kumain ng tanghalian, na pinaunlakan ng biktima.
Ani Sgt. Tindugan, habang kumakain ng tanghalian ang dalawa dakong 1:15 pm, sapilitang pumasok sa loob ng bahay ang suspek at inundayan ng isang saksak sa likod ang biktima nang makita niyang sabay na kumakain ang dalawa.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod ng Barangay Potrero Ambulance Team ang biktima sa nasabing pagamutan kung saan patuloy na inooserbahan.
Sa ulat ni Col. Barot, nang puntahan ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 sa pamumuno ni P/Lt Joseph Almayda ang suspek sa kanyang bahay sa Caloocan City ay wala na ito kaya’t patuloy na tinutugis ng pulisya. (ROMMEL SALES)