KASABAY ng paglobo ng bilang ng mga nai-infect at namamatay sa CoVid-19 virus sa lalawigan ng Quezon, nangangambang makakuha ng panibagong mga sakit ang mga residente malapit sa compound ng likurang bahagi ng Quezon Medical Center (QMC) dahil sa tone- toneladang medical wastes na matagal nang nakatambak sa nasabing lugar.
Marami sa kanila ay nagpaabot na umano ng reklamo sa management ng ospital na pinamumunuan ni Dr. Rolando Padre ngunit tila nagtataingang kawali lamang ang opisyal.
“Nag- aalala nga kaming mga tagarito dahil sa malansa at napakabahong amoy ng mga basurang ‘yan ng QMC. Baka hindi dahil sa CoVid-19 kundi dahil sa masangsang na amoy na ‘yan kaya kami magkakasakit at mamamatay,” hinaing ng isang residente malapit sa lugar na tumangging magpakilala.
Pati umano mga kaanak ng pasyente na pumaparada malapit sa lugar maging ang mga napapadaang motorista ay dumaraing din sa amoy ng mga basura.
Kabilang din aniya, sa mga nagrereklamo dahil sa mabahong amoy ng gabundok na mga basura ang mga madre sa Mt. Carmel Diocesan General Hospital na malapit lamang sa lokasyon ng QMC.
Anila, napaka-insensitive ni Dr. Padre dahil tila nagbibingi-bingihan sa mga hinaing at reklamo.
“Alam naman natin na kabilang sa mga ganyang medical wastes ng mga hospital ay ‘yung mga tinatawag na pathological wastes na kinabibilngan ng mga amputated tissues, organs, at body parts kaya kakaiba ang baho ng amoy,” dagdag ng galit na residente.
Sinabi ng mga residente, ang mga tone- toneladang medical wastes ng QMC ay malaon nang nakatambak sa loob at labas ng hazardous waste storage facility ng ospital sa hindi pa malamang kadahilanan.
Napag-alaman sa isang source, ang kompanyang Enviro Care Services ang humahawak sa waste collection and disposal ng QMC.
Sinabi ng source, posibleng nagkaroon ng problema sa pagitan ng ospital at ng waste collector kung kaya matagal nang nakahinto ang pagkuha sa mga basura.
Ayon sa source, umaabot sa mahigit isang toneladang basura ang napo-produce ng ospital kada araw dahil sa rami ng mga pasyente rito.
Dahil dito, ang mga nagrereklamo ay nananawagan kay Governor Danilo Suarez upang kanyang aksiyonan ang problema dahil ang QMC na panlalawigamg pagamutan ay nasa ilalim ng kanyang kontrol at superbisyon.
“Alam po namin na ang atensiyon ni Gov. Suarez ay matagal nang naka-focus sa politika dahil patuloy ang pag-angat ng kanyang katunggali. Pero kami ay nakikiusap sa kanya na lapatan niya ng mabilisang aksiyon ang problema naming ito,” wika ng residente.