NASAMSAM ng mga awtoridad ang mahigit P.3 milyong halaga ng shabu mula sa dalawang tulak ng ilegal na droga na natimbog sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina John Paolo Mendoza, 31 anyos, taga-San Roque, Antipolo City; at Marc James Ortega, 20 anyos, ng Tondo, Maynila.
Ayon kay P/SSgt. Rodney Dela Roma, dakong 1:40 am nang magsagawa ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) sa pangunguna ni P/Maj. Amor Cerillo, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Renato Castillo, ng buy bust operation sa harap ng isang convenience Store sa A. Mabini St., Brgy. 30.
Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon sa mga suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba.
Nakompiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 55 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P374,000 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.
Ang matagumpay na operasyon ng unit ay sa pamamagitan ng gabay at suporta ni NPD Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., upang maiwasan ang paglaganap ng ilegal na droga sa area ng CAMANAVA. (ROMMEL SALES)