ARESTADO ng mga awtoridad sa entrapment operation ang dalawa katao na sinabing sangkot sa pagbebenta ng mga sako ng bigas na may markang Dinorado Farmer’s Choice nang walang pahintulot mula sa sole distributor nito sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon City Police Chief P/Col. Albert Barot ang mga suspek na sina Nicomedes Bren, 54 anyos, negosyante, residente sa Melon Road, Brgy. Potrero ng nasabing lungsod; at Christian Calderon, 35 anyos, tricycle driver ng Bunducan, Bocaue, Bulacan.
Huli ang dalawang suspek, dakong 7:00 pm ng mga operatiba ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) sa pangunguna ni P/SSgt. Jeric Tindugan at P/Cpl. Anastacio Pangan, Jr., sa Block 52 Villa Martinez, Bautista St. Brgy. Panghulo.
Batay sa ulat ni P/SSgt. Michael Oben, ang kaso ay nagmula sa reklamo ng Northern Luzon Grain Dealer Inc., kinatawan ni Kristian David Rivera, 37 anyos, sales executive.
Matapos mag-alok ang mga suspek na nagbebenta ng mga sako ng bigas, may markings ng “Dinorado Farmer’s Choice” sa kanilang facebook account na nasa P5.50 centavos bawat isa, kung saan ang complainant ang sole distributor nito.
Ani Col. Barot, nagawang makipagtransaksiyon ng isang police poseur-buyer sa mga suspek ng 3,000 pirasong sako kapalit ng P16,500 marked money na binubuo ng tatlong pirasong tunay na P1,000 bill at 13 pirasong boodle money.
Iprenesinta ang mga naarestong suspek sa inquest proceedings sa Malabon City Prosecutor’s Office para sa kasong paglabag sa R.A. 8293 of the Intellectual Property Act at Estafa. (ROMMEL SALES)