Friday , November 15 2024

Ayuda at contact tracing

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

NOONG nakaraang linggo, pinuna ng Firing Line ang Department of Budget and Management (DBM) sa hindi paglalaan ng kahit isang sentimo sa contract tracing at ayuda sa 2022 National Expenditure Program (NEP) na isinumite nito sa Kongreso.

Ngayon, kasabay ng deliberasyon ng Kamara sa record na panukalang P5.024-trilyon pambansang budget para sa 2022, hinihimok ng kolum na ito ang ating mga kinatawan sa Mababang Kapulungan na magsagawa ng kinauukulang realignment upang masigurong mapopondohan ang dalawang mahahalagang bagay na ito na maging bahagi ng pagtugon ng bansa sa pandemya.

Gusto kong linawin na kahit na binago ng gobyerno ang quarantine strategy nito sa Alert Level System na nagpapahintulot sa pagbabalik-trabaho at muling pagbubukas ng mga negosyo, ipinatutupad pa rin ang mga lockdown sa mga komunidad na maraming kaso ng hawaan. Para sa libo-libo – kung hindi man milyon-milyon, simula nang ipatupad sa buong bansa ang polisiyang ito – na ang pinagkakakitaan ay natigil ng dalawang linggo, dapat na mayroong sistema ang gobyerno sa pagbibigay ng ayuda upang masigurong kahit paano ay kumakain pa ang kani-kanilang pamilya.

Bukod dito, ilang beses na bang binigyang-diin ng mga eksperto ang pangangailangan sa epektibong contact tracing upang mapigilan ang maramihang hawahan ng CoVid-19? Hindi ba’t higit na importante ang estratehiyang ito sa pagtugon sa pandemya sa ilalim ng bagong alert level system na umiiral sa Metro Manila?

Sakaling ang paghahagilap ng pondo para sa dalawang mahahalagang bagay na ito ay lubhang pahirapan para sa DBM, marahil mainam na simulang pag-aralan ang inilaang budget sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang baluwarte ng mga red-taggers sa administrasyong Duterte, na mayroong P28 bilyong gagastahin sa 2022.

*         *         *

Nasinagan ng suwerte si Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., ngayong kalahati ng namamayaning partido ng PDP-Laban ay isinama siya sa listahan nito ng walo, sa ngayon, na kandidato sa pagkasenador sa 2022. Pero mukhang sinayang mismo ni Roque ang suwerteng ito sa pagbaon niya sa limot sa pinakamagagandang katangiang minahal sa kanya ng mga botanteng Filipino.

Bilang isang abogado na sa nakalipas na dalawang dekada (bago siya maglingkod sa administrasyong Duterte) ay kilala sa pakikipaglaban para sa karapatang pantao, masigasig niya ngayong dinedepensahan ang gera kontra droga ng gobyerno. ‘Yan ang dahilan kaya tinutulan ng Free Legal Assistance Group (FLAG), grupo ng mga kapwa niya human rights lawyer, ang kanyang nominasyon para maging bahagi ng United Nations experts panel on international law.

Hanggang isang araw, ang mukha ng Malacañang na lagi nang kalmadong humaharap sa mga mamamahayag ay naging mabangis sa harap ng mga kasapi ng sektor na pinakamalapit sa puso ng publiko bilang pangunahing depensa sa pandemya at tagapagligtas ng mga buhay.

Sa kawalang pakundangan, galit niyang kinastigo ang sektor ng medical frontliners gamit ang mga salitang pang-off-the-record. Pero sa malas, ang eksenang iyon ay naging isa sa pinaka-viral na panggagalaiti sa galit na nakuhaan ng video, na pumangalawa lamang sa parehong pagpapakita ng galit ng kanyang amo. Good luck sa Mayo, Mr. Spokesperson. Kailangan mo ‘yan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *