INARESTO ng mga awtoridad ang isang lalaking hinihinalang nagtitinda ng pinekeng vaccination cards sa lungsod ng Cebu, nitong Lunes, 30 Agosto.
Nabatid na nasukol ng pulisya ang suspek na kinilalang si Clifford Arcilla, 46 anyos, sa loob ng isang printing shop sa Sanciangko St., sa nabanggit na lungsod, kung saan ginagawa ang mga pekeng vaccination card bago ibenta sa kanilang mga kliyente.
Ayon kay P/Lt. Albe Codilla, deputy chief administration ng Cebu City Police Office Station 5, nakatanggap sila ng ‘tip’ kaugnay ng ilegal na pagpi-print ng vaccination cards na ibinebenta nang patago sa lungsod.
Ani Codilla, nagkasa sila ng entrapment operation nang matiyak ang impormasyong ibinigay ng tipster.
Inalok ng suspek ang undercover na pulis ng pekeng vaccination card nang magtungo sila sa printing shop saka pinasagutan ang ilang form at pinagbayad ng P450.
Matapos ang isang oras, bumalik ang pulis para kunin ang pinagawang vaccination card mula sa suspek.
Dito agad dinakip ng mga awtoridad si Arcilla.
Ayon kay P/Lt. Codilla, sasampahan ng kasong falsification of public documents ang suspek.