Thursday , December 19 2024
De Lima Duterte
De Lima Duterte

Tuloy ang laban! DE LIMA MULING TATAKBONG SENADOR (Duterte siningil sa mga pangako)

KINOMPIRMA ni Senadora Leila M. de Lima ang kanyang muling pagtakbo sa eleksiyon 2022.

Aniya, ang panggigipit na kanyang nararanasan sa ilalim ng administrasyong Duterte ay lalong nagpalakas ng kanyang loob na ipaglaban ang kanyang mga adbokasiya.

Ayon sa Senadora, ang di-makatarungang pagkakakulong niya ang nagtulak sa kanya para mas labanan ang inhustisya at ipagtanggol ang karapatang pantao.

Sa kanyang sulat kay Pangulong Rodrigo Duterte ilang araw bago ang huling State of the Nation Address (SONA) sa 26 Hulyo 2021, tinuligsa ni De Lima ang hindi pagtupad ni Duterte sa kanyang mga pangako noong kampanya, partikular sa mga isyu ng ilegal na droga, korupsiyon, West Philippine Sea (WPS), at ekonomiya. 

“Mahigit na apat na taon mo na akong ipinakulong para maitago ang iyong pagka-inutil, bukod pa sa paghihiganti mo sa akin. Mahigit na apat na taon na ipinagkait mo sa akin, sa aking pamilya, at sa labing-apat na milyong bomoto sa akin. Mahigit na apat na taon na akin ngayong sisingilin sa pagtatapos ng iyong termino,” banta ni De Lima.

 “Marami ang nagtatanong sa akin kung sa kabila ng pagyurak na ginawa mo sa akin ay may lakas pa ako ng loob na muling tumakbo bilang Senador sa 2022. Tatakbo akong muli. Hindi ako susuko. Tuloy ang laban! Sisingilin ka namin sa anim na taon na pambabalasubas mo sa aming bansa,” diin ni De Lima.

Nakulong ang Senadora dahil sa mga paratang ukol sa ilegal na droga mula 24 Pebrero 2017, na maigting niyang itinatanggi.

“Mapapatunayan rin na puro huwad ang mga bintang laban sa akin, puro gawa-gawang paratang na ibabasura ng korte, katulad ng isa sa tatlong kasong hinaharap ko,” wika ni De Lima.

“Hindi mo naman talaga ako nawasak. Hindi mo rin ako napasuko. Tuloy pa rin ang laban, kaya hindi rin dito matatapos ang aking kuwento,” sabi ni De Lima kay Duterte.

Giit ni De Lima, maliban sa pagpatay sa libo-libong mahihirap na suspek, ay wala naman daw nangyari dahil laganap pa rin ang droga.

“Pagkatapos ng limang taon, at libo-libong mahihirap na iyong pinapatay, wala kang maipakitang resulta. Talamak pa rin ang droga. Sa katunayan, hanggang ngayon may mga nahuhuli pa rin sa iyong mismong siyudad ng Davao, kung saan dapat pagkatapos ng ilang dekada ng paghahari ng iyong pamilya ay wala nang suliranin sa droga,” ani De Lima.

“Ako na ang tanging kasalanan ay magsalita laban sa EJKs ay nakakulong, samantala, ang mga tulad ni Peter Lim na may Warrant of Arrest sa pagiging big-time drug lord ay hindi mo man lang kayang ipaharap sa korte at hustisya,”  dagdag ng Senadorang  Bicolana.

Ayon din kay De Lima, bigo rin ang gobyerno ni Duterte na sugpuin ang katiwalian.

        “Naaalala ko na sinabi mo rin na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan wala nang korupsiyon sa gobyerno. Pagkatapos ng limang taon, medyo mahaba-haba ang listahan ng korupsiyon na pasimuno mismo ng mga tao na malalapit sa iyo,” wika ng Senadora. 

“Banggitin na lang natin ang pinakahuli: ang mahigit na anim na bilyong pisong kontrata na nakorner ng pamilya ng iyong pambansang alalay na si Senador Bong Go na ibinunyag ng dating Senador Sonny Trillanes. Ang sagot ni Go ay hindi naman raw siya nakinabang sa anim na bilyon na nakuha ng kanyang pamilya sa mga kontrata sa gobyerno.”

“Dito pa lamang sa sagot ni Go ay makikita na natin ang karakter ng mga tao na pumapaikot sa iyo at sa iyong estilo ng pamamahala, sa gobyernong Davao na ipinataw ninyo sa buong Filipinas: isang gobyernong Mafia na walang ibang layunin kung hindi ang magkamal ng kayamanan gamit ang inyong mga posisyon sa gobyerno. Katulad ng ginawa ninyo sa Davao, ganoon din ang ginawa ninyo sa buong Filipinas,” dagdag niya. 

Para umano kay De Lima, kabaligtaran ang nangyari sa termino ni Duterte kung saan pinagpiyestahan pa ang kaban ng bayan.

        Hindi rin pinalampas ni De Lima sa kanyang sulat ang paniningil kay Duterte ukol sa usapin ng teritoryo.

        “Wala naman siguro talagang tumanggap nang literal sa iyong pangako na mag je-jet-ski ka sa mga isla sa Spratly. Ngunit umasa ang taumbayan na ipaglalaban mo ang Filipinas laban sa pang-aabuso at pambabastos ng Tsina,” sumbat ng Senadora.

“Sa iyong pangako, malayo sa isip ng taongbayan na ikaw pala ay magiging tuta lamang ng Tsina. Na sa kabila ng pang-aabuso sa ating mga kababayang mangingisda at pagkamkam ng Tsina sa ating teritoryo at pangisdaan, ikaw pala ang magiging pinakamasugid na tagapagtanggol ng dayuhang manlulupig. Isa ka palang traydor sa iyong sariling lahing Filipino,” dagdag niya.

Binatikos din ni De Lima ang pagbagsak ng ekonomiya sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno.

“Ang utang ng iyong gobyerno (sa ilalim ni Duterte) ay ang pinakamataas sa buong kasaysayan ng Filipinas, doble pa sa pinagsama-samang inutang ng lahat ng nakaraang administrasyon mula kay Pangulong Cory Aquino,” giit ng Senadora.

Sa kabila ng kanyang pagkakulong, tuloy-tuloy ang pagsusulong ni De Lima ng mga batas ukol sa hustisya at karapatang pantao. Nakapaghain na siya ng mahigit 500 batas at resolusyon mula nang maupo sa puwesto. Kabilang sa mga inakda niya na ganap nang batas ngayon ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, Magna Carta of the Poor Act, Community-Based Monitoring System Act, at National Commission for Senior Citizens Act. (HATAW News Team)

About hataw tabloid

Check Also

Barasoain Malolos Bulacan

Bulacan, ibinida ang kultural na pamana sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang kanilang …

Francine Diaz Seth Fedelin FranSeth My Future You

My Future You ng FranSeth may puso, may ‘K’ ipagmalaki

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio PANALO sa ganda at tema ng istorya para sa amin …

Makapili Vlogger

Makabagong makapili, trolls, vloggers tinira ni Barbers

KINONDENA ng isang kongresista mula sa Mindanao ang tinagurian nitong “Makabagong Makapili” o mga Pinoy …

Mary Jane Veloso

OFW Mary Jane Veloso nakauwi na sa bansa

NAKAUWI na sa bansa ang napiit na overseas Filipino worker (OFW) sa loob ng 14 …

121924 Hataw Frontpage

Meralco franchise kapag ‘di naamyendahan
PRESYO NG KORYENTE SA PH SISIRIT PA

MAHIGPIT na nanawagan ang isang consumer rights advocate sa Senado na baguhin o amyendahan ang …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *