BULABUGIN
ni Jerry Yap
SIMPLE lang gumimik ang mag-amang Manny at Mark Villar.
Tingnan n’yo naman, ilang taon na sa mundo ng pamomolitika este politika ang pamilya Villar, pero hindi sila ‘magastos’ bumati ‘este’ hindi sila bumabati tuwing Father’s Day.
Pero nitong nagdaang linggo, ilang araw bago ang Father’s Day, 20 Hunyo, nagsingawan ‘este’ nasungawan sa lahat ng TV network, kahit sa FB live streaming at sa YouTube, ang ads ng mag-amang Villar.
Makikita sa video clip ang mag-amang Villar (Manny & Mark) sa isang depressed area, kasama ang maraming bata. Kumakanta ang mga bata…
Darating na, darating na, babalik na, babalik na ang aming pag-asa…
Puwede ba puwede ba buksan ang mga mata, bigyan kami ng pansin huwag sanang dedmahin…
Maganda naman ang mensahe ng kanta pero halatang-halata naman na paid political ad ang nasabing pagbati ng mag-amang Villar.
Kitang-kitang itinutulak ng erpat na si Manny Villar ang kanyang anak na si Mark Villar para muling bumalik sa lehislatura. Hindi lang natin alam kung babalikan niya ang Mababang Kapulungan o gusto na niyang lumundag sa Mataas na Kapulungan?
Tsk tsk tsk…
Mahirap talagang maging “richest lawmaker in the Philippines” — hindi sila puwedeng mawala sa Kamara o sa Senado.
Parang mayroong pagkit doon ang ilang partikular na upuan para sa kanila… lalo ngayong malapit nang matapos ang termino ni Mommy C.
Hay naku… hayahay ‘este’ ang buhay nga naman!
Ilang milyones kaya ang ‘tinosgas’ ng magtatay na Villar para sa nasabing paid ad?!
Bakit kaya hindi na lang ibinili ng mga commodities para sa batayang pangangailangan ng mga kababayan nating kinakapos at wala nang madukot dahil halos dalawang taon nang nananalasa ang pandemyang dulot ng CoVid-19.
‘Wag naman sanang nilagang saging na saba at nilagang itlog at may malaking pangalan ng kanilang pamilya.
Ay yay yay!
Kung totoong sila ang pag-asa ng maliliit nating kababayan, sana’y ipinaramdam nila sa tamang paraan.
Hindi sa ‘mabolang’ paraan…
Kaya ang masasabi lang natin… amoy ‘lechong’ eleksiyon na naman!
Ibig sabihin, ang sambayanang Pinoy ay muling iluluto sa sariling mantika, para ipahid sa nguso ng mga nagpapakabundat sa ‘burukrasya’ ng mga politikong hidhid at ganid.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com