AYAN, natatauhan na rin si Kris Aquino.
Magbabalik-social media na raw siya pero ‘di na n’ya isasali sa usapan ang mga anak n’yang sina Joshua at Bimby para ‘di na sila naba-bash. Si Kris mismo ang nag-announce niyan sa Instagram n’ya.
Actually, ang mga ‘di nagso-social media lang naman na celebrities ang ‘di naba-bash in public. Ang ayaw ma-bash kasabay ng mga papuri sa kanila ng fans nila ay ‘yung wala maski simpleng Facebook page lang.
Feeling celebrity pa rin naman siguro sila kahit wala silang social media account. Malamang na mas payapa ang buhay nila kaysa mga parang addicted na sa social media.
At isa si Kris sa mga mistulang addicted na sa social media. Malamang na nakatutulong ang social media accounts niya para makatanggap ng endorsement projects. Siguradong isa si Kris sa Pinoy celebrities na pinakamalaki ang endorsement fee.
Karaniwan na sa mga artista na higit na mas malaki ang kita sa endorsement project kaysa pelikula na maraming araw, kundi man linggo, ang itinatagal ng syuting. Ang isang commercial ay madalas na hanggang tatlong araw lang ang pinakamahabang syuting. Baka nga mayroon ding isang araw lang ang syuting.
Kaya bakit ‘di magpipilit pa rin si Kris na mags-social media kung milyones naman ang kikitain n’ya sa isang endorsement project na tatlong araw lang ang pinakamatagal na syuting?
Oo nga pala, dahil sa pandemya, baka talagang 8 to 12 hours lang isinusyuting ang mga commercial ngayon. Dagdag na gastos pa ang pangalawa o pangatlong araw ng syuting. Ila-lockdown lahat ng involved sa isang private venue na kailangang bayaran. Lahat ng involved ay kailangang ipa-swab test bago magsimula ang syuting at pagkatapos na pagkatapos ng trabaho.
Halos laging sabay naman na may pumupuri at may nanlalait sa bawat post ng mga celebrity. At parang lagi namang mas marami ang positibong reaksiyon ng fans sa post ng mga idolo nila.
Actually, pwede namang mag-post sa ilang social media platforms na ‘di mag-a-accommodate ng comments/feedbacks mula sa readers/viewers. So, kung ayaw ni Kris makabasa ng negative comments sa post n’ya, ilagay n’ya sa ganoong setting ang lahat ng social media outlets n’ya.
Gayundin ang dapat gawin ng mag-live in partners na sina Janella Salvador at Marcus Patterson na ang ipinost kamakailan na litrato ng anak nilang five months old pa lang ay nakatanggap ng ilang panlalait tungkol sa itsura.
Grabe naman talaga kasi ang ilang Pinoy netizens. Parang ikababaliw nila, kundi man ikamamatay, kung wala silang malalait o mababastos. Hindi naman ang mga opisyal ng pamahalaan ang nilalait ngayon kundi pati mga sanggol.
Gayunman, ang celebrities na mistulang namamalimos ng atensyon sa pamamagitan ng social media ay hindi dapat maging balat-sibuyas.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas