HINDI nakaligtas sa pagkalunod ang 11-anyos magkapatid na kambal, ang kanilang 13-anyos na kaibigan, at ang kaedad na kaibigan sa Almacen River sa bayan ng Hermosa, lalawigan ng Bataan, nitong Martes ng hapon, 16 Marso.
Sa police report na inilabas noong Martes ng gabi, kinilala ni P/Maj. Jeffrey Onde, hepe ng Hermosa police, ang mga biktimang kambal na sina AC at AJ Magtanong, kapwa 11 anyos; Reynalyn Magtanong, 13 anyos, nakatatandang kapatid ng kambal; at Gabriel Santos, 11 anyos, pawang residente sa Brgy. A. Rivera, sa nabanggit na bayan.
Ani Onde, maaring hindi napansin ng mga bata na natatangay na sila sa malalim na bahagi ng ilog, na ayon sa mga residente ay may 10 talampakang lalim.
Idineklarang dead on arrival ang mga biktima sa Orani District Hospital.
Sa panayam sa mga magulang ng mga biktima kahapon Miyerkoles, 17 Marso, hindi nila matanggap ang maagang pagkawala ng kanilang mga anak.
Ani Maria Clarice Sibayan, ina ni Santos, hindi nagpaalam ang kanyang anak na magtutungo sa ilog.
Ayon din kay Rosalie Magtanong, ina ng kambal, tumakas umano ang kanyang tatlong anak dahil sinabihan niya silang matulog.
Aniya, nasa Grade 6 ang kambal na sina AC at AJ na magdiriwang ng kanilang ika-12 kaarawan sa 26 Marso.
Nabatid na tumulong ang mga operator ng mga nirerentahang bangka sa Brgy. Almacen sa search and rescue operations para sa mga biktima kasama ang Hermosa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at iba pang mga residenteng nasa lugar.