LUMALABAS na pala ang ginawang serye niyong pero parang hindi natin nararamdaman. Wala kasi sila sa free tv, nasa internet lamang at kailangan kang magbayad para mapanood mo sila. Malaki ang kaibahan niyon sa bubuksan mo na lang ang TV at makakapanood na. Ngayon magbubukas ka pa ng computer na may gastos din sa koryente, kailangan may internet, at magbabayad ka pa sa provider para mapanood sila.
Hindi rin puwede na basta internet lang, dahil kung mabagal ang internet mo, hindi mo iyona mapapanood ng matino. Ngayon sasabihin ninyo, bakit hindi na lang nila inilagay sa free tv? Kasi Kathniel iyan, ang laki ng cost of production. Kung ilalabas nila iyan sa Zoe TV, mahina ang signal, hindi sila makasisingil ng kagaya ng dati sa mga commercial. Delikado ring magtambak sila ng commercials dahil iyang Zoe TV ay isang religious broadcast station at hindi commercial, at saka alam ng advertisers na 60KW power lang iyan. Maliit lang ang maaabot at wala pang provincial relay.
Para masambot ang cost, kailangang maningil sa manonood. Iyon ang problema dahil may mga kasabay naman iyong teleserye na mapapanood ng libre gaya ng dati.
Parang mali nga iyang serye ng KathNiel. Dapat ang ginagawa nila ay parang TeleSine na parang tulad ng ginawa ni Leni Parto noong araw. Iyon ang kuwento ay wakasan. Baka mas marami pa ang manood. At gawin na nilang TeleSine, dalawang oras para sulit naman ang bayad.
Hindi ito ang panahon para sila mag-teleserye. Maski nga iyong Ang Probinsyano nila apektado na. Isipin ninyo na lumalabas iyon sa 60kw power. Iyong cable company naman nila, malakas sa Metro Manila, pero hindi dinadala ng mga cable operator sa probinsiya iyong Kapamilya Channel dahil nakalaban nila noon ang asosasyon ng mga iyon. Noon ok lang.
Dapat pagkatapos niyan, huwag na munang mag-serye ang KathNiel. Mag-pelikula na lang sila kung magbubukas na nga ang mga sinehan.
HATAWAN
ni Ed de Leon