ISANG pinaniniwalaang auditor ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ang nadakip nitong Biyernes, 5 Pebrero, dahil sa pagbibiyahe ng halos kalahating milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa lungsod ng Tabuk, sa lalawigan ng Kalinga.
Naharang ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Ronnel Tacata, 38 anyos, sa isang quarantine control checkpoint sa Brgy. Bantay matapos silang makatanggap ng tip na may isang pulang kotse ang nagbibiyahe ng ipinagbabawal na droga mula sa Brgy. Buscalan sa bayan ng Tinglayan, sa naturang lalawigan patungo sa lungsod ng Baguio.
Ayon kay P/Col. Radino Belly, hepe ng Tabuk police, nasamsam mula sa sasakyan ng suspek ang hindi bababa sa 3.9 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P468,000.
Nagpakita si Tacata ng isang ID card na siya umano ang auditor ng MRRD-NECC sa lalawigan ng Bulacan, at isang certification mula sa national chairman ng grupo.
Base sa itinerary ng kanyang travel documents, umalis si Tacata sa bayan ng Marilao, sa lalawigan ng Bulacan saka dumeretso sa bayan ng Buscalan at nagtungo sa bayan ng Pinili sa lalawigan ng Ilocos Norte upang makakuha ng mga dokumento para sa training at orientation program na nakatakda sa mga miyembro ng MRRD-NECC Ilocos Norte.
Anang pulisya, binebirepika pa nila kung totoong may kaugnayan si Tacata sa nabanggit na Duterte support organization.
Ani Belly, mananatili si Tacata sa Tabuk City police station hanggang matanggap ang commitment order para ilipat ang suspek.
Haharapin ng suspek ang kasong paglabag sa RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).