PINANGUNAHAN ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang asawang si Taguig Rep. Lani Cayetano ang paghahain ng House Bill 8597, Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program, na naglalayong mamahagi ng dagdag na ayuda sa mga pamilyang apektado ng pandemyang CoVid-19.
Iminumungkahi nitong mabigyan ang bawat pamilya ng P1,500 o P10,000, alinman ang mas mataas depende sa bilang ng miyembro nito, sa ilalim ng BPP Assistance Program.
“This bill ensures that each and every Filipino is given additional assistance, in recognition that we all have been affected by the pandemic, economic setbacks, and all the hardships brought about in the year 2020,” pahayag ng mga Kongresista sa explanatory note nito.
Prayoridad ng programang mabigyan ang senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, mga nawalan ng trabaho, medical frontliners, pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs), mga indibidwal na hindi nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), mga may Philippine National ID, at mga miyembro ng ‘mahihinang’ sektor.
Kasama sa may akda ng panukalang-batas sina Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte, Jr., Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio “Kuya” Sy-Alvarado, at ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Michael Defensor.
Kapag maipasa ang panukalang batas ay makatutulong para “lumakas ang household consumption, makatutulong ito sa pagbangon ng ekonomiya” na dumanas ng pinakamatinding economic contraction mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa panayam ng mga reporter, sinabi ng dating Speaker, kung itutuloy ang pamimigay ng ayuda ay matutulungan hindi lang ang consumers kundi pati ang mga supplier at buong ekonomiya ng bansa.
“‘Yung P10,000 per family, parang kukuha ka sa kaliwang bulsa, babalik din sa kanan, dahil iikot din ‘yon sa ating ekonomiya,” pahayag ni Cayetano.