MAY pandemya o wala, nasanay na kaming nakikita ang pagiging abala ni Arnell Ignacio sa sari-saring mga bagay.
Nang mawala na sa mga kamay niya ang mga may kinalaman sa mga posisyong hinawakan niya sa gobyerno at maging ordinaryong citizen na uli siya, nagpatuloy lang sa pagiging business-minded niya ang singer na komedyante na host at kung ano-ano pa.
Seventeen years na ang kanyang Creative Hair System. And on the side, sige siya sa pagtitinda ng siomai (sa kiosk and online). Recently, pinasok ang Sabon Depot para sa anak na si Pia. At sige sa kabibili ng mga bahay na siya mismo ang nagde-design para ibenta.
Gumugulong sa katatawa kay Arnell ang hosts ng podcast na Over A Glass Or Two na naka-base sa New York, USA na sina Jessy Daing at Jcas Jesse sa mga natutuklasan pa nila kay Arnell na pinatatawa man sila ng lubos eh, katakot-takot na insights naman ang nakukuha nila.
“Ipinapaayos ko itong bahay. May siyam na rooms. Eh, alam mo naman ako mahilig magkakalikot sa mga bagay-bagay. Kaya enjoy ako sa mga ganyan. Pag-aayos and all that stuff.
“Tapos, nang mabaha kami, nalungkot naman ako. Pero mayroon pala akong kapitbahay na German na ang business eh, may kinalaman sa paggawa ng flood barriers. Nakausap ko. Lalagyan sana itong sa bahay pero sabi ko, I suggested na sa buong barangay na muna niya gawin ‘yun. Huwag na muna sa akin ilagay. Baka by January 30, ma-implement na ‘yan.”
Tanong nga ng mga kausap eh, kung hindi ba siya papasok sa politika para mas makapagsilbi pa?
Alam naman natin na sinubok na ni Arnell ‘yan pero natalo lang. Nabigyan naman ng pagkakataon nang i-ppount ng Pangulo. At nagampanan naman ng tama ang mga hinawakang posisyon. Na marami na nga ang nakaka-miss din sa kanya.
“We have a show in GMA news TV every Saturday called ‘Oh, My Job!’ Katuwang naman namin ang DOLE (Department of Labor and Employment) para sa mga kababayan nating mabibigyan ng trabaho at iba pa.”
Nababaliw sina Jessy at Jcas sa mga kuwento sa buhay ni Arnelli. Sa mga dinaanan nito. At ‘di namalayan na naka-dalawa’t kalahating oras na pala silang nagtatawanan at tsikahan.
At natuklasan nila, if there’s one thing na hate na hate ni Arnell na sinasabi sa kanya saan mang social media platforms sa mga nakakausap niya ay ang mga katagang, ‘Sana all!’
“That annoys me endlessly! I get insulted! Kasi para bang binastos na lahat ng paghihirap mo. Especially kung ang pinupunto eh, ang mga pinagsumikapan mo. Sikaran kita dyan, eh. Ano, pinaghirapan ko, gusto mo ganoon ka lang din? I hate it!”
Sa pinag-uusapang kaso naman ngayon, nagbigay ng opinyon sa kanyang FB si Arnell.
“Sa panahon ngayon kung ano na lang ang nauna ang info at video ang agad na tinatanggap na katotohanan. Kahit authorities eh ganoon na rin ang andar ng isip, wala nang nag-iisip muna basta kailangan may masabi at may mapaniwalaan o mapuna. wala nang interest sa “tunay” na totoo.”
Ipinaliwanag din niya kina Jessy at JCas ang panghihinayang niya na karamihan ay kulang sa parteng cerebral at pawang emosyon ang ipinaiiral.
Kaya si Arnell is the type na ayaw na ayaw din ang ka-dramahan ng mga tao at paawa effect.
Kung walang kinakalikot o kinukumpuni, tutok lang siya sa kanyang kinagigiliwang K-Dramas. Or sinasamahan ang anak sa pag-iikot nito sa paniningil at asikasuhin ang kanyang mga bayarin.
“Now pa lang, inihahanda ko na siya. May mga bayarin siya roon. Sabi ko ayusin niya. Sabi ko sa kanya kayanin niya. May mistakes along the way pero dadaanan niya talaga. Kami lang naman ang magkasama sa buhay. Though 2004 pa kami hiwalay ni Frannie, hindi naman ako nagpa-annul. May nagsabi nga sa akin paano raw ‘yung properties ko, makikihati ‘yun pagdating ng araw. Sabi ko, nanay ‘yun ng anak ko. Eh, kanino ko pa ba naman ihahati ‘yun. Eh, para sa anak ko naman talaga ‘yun.”
Hindi matatapos ang magdamag na hindi nagagamit ni Arnell ang pag-andar ng kanyang utak sa maraming bagay.
Kaya he gets things accomplished.
Flood barriers para sa lugar nila (somewhere in Cainta ba ito?). Wala na siyang posisyon niyan, ha!
“Matatawa nga kayo kapag ini-introduce ako sa mga event o seminars etc. ‘Yung mga sinusundan ko kay hahaba ng credentials. Ako, Arnell o Arnaldo Ignacio, host, actor comedian. ‘Yun na ‘yun?”
Pero sa rami na ng nagagawa niya siya mas natatandaan! Wala sa papel, sabi nga! Nasa gawa!
Tutukan natin!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo