Thursday , December 26 2024

Ang kudeta at ‘Krismas tree’ sa Kamara

LALO pang dumadagundong ang usap-usapang kudeta na iniaamba ng ilang grupo ng mga kongresista laban kay Speaker Lord Allan Velasco.

Paano kasi, habang lumilipas ang mga araw ng panunungkulan ni Velasco, lalong nagiging malinaw sa kanyang mga kapwa mambabatas ang karakter nito bilang leader ng kongreso.

Ayon sa isang beteranong kongresista ng isang malaking partido politikal, lalo pang lumalakas ang ugnayan ng mga mambabatas na nais patalsikin si Velasco sa puwesto.

Wala raw kasing ‘sense of leadership’ si Velasco. Hindi man lamang nito maipagtanggol ang kamara sa kaliwa’t kanang banat lalo na tungkol sa usaping dagdag-bawas sa 2021 national budget at maging sa patuloy nitong pagsibak sa mga kongresistang hindi niya mga kaalyado bilang mga pinuno ng iba’t ibang komite sa kamara.

Ayon sa beteranong kongresista, imbes pag-isahin ni Velasco ang watak-watak na grupo ng mga kongresista ay wala siyang ginawa kundi balikan ang mga kongresistang hindi niya kakampi habang binibigyan ng pabuya ang mga mambabatas na nagtanggol sa kanya sa usapin ng house leadership.

Kabilang na rito ang pagluklok sa 28 deputy speakers ng kamara na sinasabi ng mga political analyst na senyales ng kahinaan ni Velasco bilang Speaker of the House.

Ayon sa kongresista, dapat daw umayos-ayos si Velasco sa kanyang pamamahala sa kongreso dahil maaari siyang patalsikin kahit anong oras na gusto ng nakararaming mambabatas.

Sa ngayon, binibigyan na lamang umano ng kaunting ‘leeway’ at pagkakataon dahil sa kanilang pagrespeto kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang kaalyado ni Velasco sa PDP-Laban.

Masyado rin daw nabibingi ang mga kongresista sa katahimikan ni Velasco sa mga usaping hinaharap hindi lamang ng kamara kundi ng buong bansa.

Isa na rito ang sinasabi ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na sigurado umano ang muling pagbibigay ng prankisa sa ABS CBN sa susunod na taon sa ilalim ng liderato ni Velasco.

Kapansin-pansin din ang katahimikan sa isyu ng Makabayan Bloc na inakusahan mismo ni Pangulong Duterte bilang legal front ng CPP-NPA.

Kumibo lamang si Velasco noon nang kanyang ipinagtanggol ang Makabayan Bloc sa umano ay ginagawang red-tagging.

Bukod sa mga kongresista, marami rin mga empleyado ng kamara ang tumaas ang kilay sa agaw- pansing disenyo ng malaking ‘krismas’ tree na nasa labas ng session hall sa main lobby ng kongreso.

Aba’y imbes ‘yung traditional na ‘star’ o tala ang nasa tuktok ng krismas tree, pinalitan ito nang malaking pangalan ni Velasco at ng kanyang misis na si Rowena Velasco. Ang ‘krismas tree’ ay nakaugaliang proyekto ng Congressional Spouses Foundation Inc. (CSFI) na napupunta sa mga ordinaryong empleyado ng kamara ang proceeds nito.

May presyo kasi ang bawat angel decor na nakasabit sa krismas tree at ilalagay ang pangalan mo sa angel decor na iyong babayaran para sa mga ordinaryong house employees.

‘Yun nga lang, tila hindi yata nakontento ang mag- asawang Velasco sa maliit na ‘angel décor’ isabit ang kanilang mga pangalan bilang sponsors. Marami tuloy ang nagsasabi na maging ang simbolo ng kapaskuhan ay pinatos ng mga Velasco. Mismong ang bituin na naging giya ng tatlong hari para matunton ang sabsaban kung saan isinilang si Kristo ay hindi binigyang halaga.

Speaker Lord, pati ba naman si Jesus ‘inagawan’ mo?

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *